Wa’ na work, wa’ pa BF, hindi rin makuha ang mga bagay na gusto kaya feeling malas
- Maestro Honorio Ong
- Feb 2, 2020
- 3 min read
Dear Maestro, Minsan, parang nawawalan na ako ng pag-asa dahil napapansin ko na lahat ng bagay na gusto ko, pati na rin mga tao ay ayaw sa akin. ‘Yung mga bagay na gusto kong makuha ay hindi ko rin nakukuha. Sa ngayon, wala akong trabaho at boyfriend. Malas ba ako at ano ang dapat kong gawin para ako ay suwertehin sa buhay? Minsan, parang nawawalan na ako ng pag-asa. November 9, 1994 ang birthday ko.
Umaasa, Carol ng San Roque, San Isidro, Nueva Ecija
Dear Carol, Kung ang mga mistiko o paham na nananaliksik at nagsasanay ng kabanalan ang tatanungin, sa malalim na esensiya, ang totoo ay hindi dapat magkagusto ang tao sapagkat sa sandaling handa ang pagkatao ng indibidwal, lahat ng biyaya at gustuhin niya sa buhay ay kusang mangyayari at ipagkakaloob sa kanya ng kapalaran.
Sa military academy, ang pangunahing gawain ng estudyante ay ang training. Ganundin, sa mga napapanood nating pelikula tungkol sa karate, kung fu at ninja fighter, hindi itinuturo ng mga monghe na magkagusto o gumaling ang estudyante sa nasabing larangan ng pakikipaglaban, sa halip, ang binibigyang-diin ay ang training, meditation at disiplina sa sarili.
Kaya tulad sa military academy, puro training at pagsubok ang kinahaharap ng bawat estudyante at kapag nakapasa sa mga pagsubok at naging disiplinado sa sarili, roon naman kusang nabubuo ang mahusay at magaling na sundalo.
Tulad ng naipaliwanag na sa karate, kung fu, taekwondo at iba pang martial arts, ang totoo, hindi itinuturo ang maging magaling, sa halip, ang unang step ay disiplina sa sarili at malalim na meditation. At kapag may disiplina at marunong na ng malalim na meditasyon ay saka pa lang pag-aaralan ang mga partikular na techniques.
Gayundin, sa aktuwal na buhay ng tao, kung anuman ang role o task mo sa mundong ito, pagbutihin mo lang nang pagbutihin. Halimbawa, ikaw ay estudyante, pagbutihin mo ang pag-aaral. Kung ikaw ay tipikal na empleyado, pagbutihin mo ang pagtatrabaho. Kung anuman ang gawaing iniatas sa iyo ng tadhana, pagbutihin mo lang at makikita mo, kapag mabuti at mahusay mong nagagawa ang mga ito, sa bandang huli, kusang mapasasaiyo ang tagumpay at hindi lang ang tagumpay kundi ang lahat ng gusto mo sa buhay.
Ang hirap kasi sa mga tao, unang-una na ay hindi nila alam kung ano ang kanilang task o role sa mundong ito. Sa role o task searching pa lang ay nalilito at nagugulumihanan na sila kung ano ang papel nila sa mundong ito, kaya ang nangyayari ay puro kabiguan ang napapala nila. Hindi kasi nila alam kung bakit sila narito at bakit sila nabubuhay.
Kaya nga ang unang step upang lumigaya, magtagumpay at makamit mong lahat ang gusto mo sa maikling buhay natin sa mundong ito at mai-define mo muna kung ano talaga ang papel na ipinagkaloob sa iyo ng Dakilang Lumikha sa mundong ito.
Kapag na-identify mo na ‘yun, pagbutihin mo lang ang role mong ito at magiging maligaya, magtatagumpay ka at madali mo nang makakamit ang lahat ng gusto mo sa buhay.
At tulad ng nasabi na, madali lang magtagumpay at lumigaya sa buhay na ito kung anuman ang ginagawa mo ngayon, anuman ang iyong trabaho, kung wala ka namang trabaho, anuman ang pinagkakaabalahan mo, pagbutihin mo ito at makikita mo, ngayong 2020 hanggang 2021 sa edad mong 28 pataas, magtatagumpay ka na sa anumang ginagawa mo at habambuhay na magiging maligaya.




Comments