Sanhi at lunas sa pagtubo ng bigote sa mga babae
- Shane Ludovice
- Feb 2, 2020
- 1 min read
Dear Doc. Shane, Mayroong tumutubong buhok o parang bigote sa aking upper lip. Tina-try ko itong ahitin pero lalo lang itong kumapal. Hindi ito magandang tingnan kaya gusto kong malaman kung ano ang mainam gawin para tuluyan na itong hindi tumubo? - Mika
Sagot Ang medical term d’yan ay “hirsutism” kung saan tumutubo ang mga hindi kanais-nais na buhok sa katawan. Ang terminong ito ay mas ginagamit sa mga babaeng kapansin-pansin ang pagkapal ng balahibo sa parte ng katawan tulad ng mga braso at binti.

At ang iba ay sa upper lip o parang bigote lalo na kung may kaitiman ang tumutubong buhok.
Ang sanhi nito ay kadalasan, nasa lahi ng pamilya ang pagiging balbon o may problema sa level ng androgen.
Noon, ang alam lamang gamitin ng kababaihan ay ang paggamit ng wax para maalis ang mga unwanted hair at ang paggamit ng depilatory cream pero kailangan itong gawin nang regular bago pa tumubong muli.
Pero ngayon, mayroon na tayong procedure na IPL (intense pulsed light) ang tawag na kadalasang ginagawa sa mga skin clinic.
Iniilawan ang parteng mabuhok at kusang nalalagas ang buhok hanggang sa maging parang balahibong-pusa na lang sa katagalan ang tubo.
Isinasagawa ito ng 8-10 sessions para tuluyan nang hindi tumubo ang mga unwanted hair na ‘yan lalo na sa kilikili, mga binti at sa upper lip.
Hindi naman siya masakit ayon sa mga nagpapagawa nito at marami na ngayon ang nag-aalok sa murang halaga lamang basta pumunta lamang kayo sa lehitimong skin clinic at ito ay dapat ginagabayan ng dermatologist.
Comments