Tatum bida sa Celtics, hiniya ang Warriors

Umiskor si Gordon Hayward ng 25 points, may 21 puntos si Marcus Smart nang gapiin ng Boston Celtics ang bisitang Golden State Warriors, 119-104 sa NBA game kahapon.
Nakagawa si Jayson Tatum ng 20 points nang magbalik mula sa tatlong absent niya sa laro dahil na rin sa groin injury, bumanat si Jaylen Brown ng 18 bago nag-foul out at naipanalo ng Celtics ang laban sa ika-5 beses sa kanilang huling anim na laro. Si Tatum ay ibinilang para sa Eastern Conference All-Star team bilang reserve.
May binakas si D’Angelo Russell ng 22 points at may 18 si Alec Burks para sa Warriors, na natalo ng limang diretsong laro.
Sumalang ang Celtics sa unang laro sa kanilang balwarte matapos ang trahedyang sinapit at kumitil sa buhay ni NBA legend Kobe Bryant at ng kanyang anak na si Gianna at pitong iba pa noong Lunes. Bago pa ang naturang laban, naglaan muna ang Boston ng 24-segundong katahimikan at panalangin bilang pagpupugay kay Bryant, kasunod ng pagpapalabas ng isang tribute video.
Nai-trade sina Point guards Chris Paul at Russell Westbrook noong Hulyo at parehong All-Stars sa kanilang bagong teams.
Inanunsiyo ng NBA ang All-Star reserves kahapon habang si Paul, na ngayon ay nasa Oklahoma City Thunder, ay pinili para sa ika-10 beses habang si Westbrook ng Houston Rockets ay napili para sa ika-9 na pagkakataon.
Ang unang walong pinili ni Westbrook ay nagmula sa Thunder, pero inilipat siya ng organisasyon sa Rockets kapalit ni Paul bilang bahagi ng kanilang rebuilding plan bago inilagay si George sa Los Angeles Clippers. Si Westbrook ay naging All-Star Game MVP noong 2015 at 2016.
Sa iba pang laban, bumasket si De’Aaron Fox ng game-high 34 points, may eight assists at four steals, upang palakasin ang Sacramento Kings sa nakasosorpresang 124-103 victory laban sa host Los Angeles Clippers na naglaro nang wala si Kawhi Leonard.
Nakagawa naman ng 28 points si Nikola Jokic at 10 assists, may 18 si Will Barton nang talunin ng host Denver Nuggets ang Utah Jazz, 106-100 kahapon.





Comments