Malas sa pag-a-apply sa Pilipinas, susuwertehin kung mag-a-abroad
- Maestro Honorio Ong
- Feb 1, 2020
- 2 min read
Maestro Honorio Ong

Katanungan 1. Hirap kami sa buhay kaya nag-apply na rin ako ng trabaho kahit hindi ko ito ginagawa dati. Mahirap kasi kung mister ko lang ang kakayod dahil maliit lang ang kanyang suweldo sa isang public agency, mababa lang ang kanyang posisyon kaya palagi kaming kinakapos sa pang-araw-araw naming pangangailangan. College graduate naman ako sa kursong HRM, pero mag-iisang buwan na akong nag-a-apply pero hindi pa rin ako matanggap-tanggap.
2. Anong kapalaran ang naghihintay sa amin base sa guhit ng aking palad at sa paanong paraan kaya kami uunlad? Itatanong ko na rin kung halimbawang hindi kami compatible na mag-asawa, uunlad pa rin kaya ang buhay namin? Gemini ang zodiac sign ko habang Pisces naman ang mister ko.
Kasagutan 1. Kung hindi ka matanggap sa ating bansa, subukan mong mag-apply abroad. Ito ang dapat gawin ng Gemini na tulad mo dahil siya ay nagtataglay ng ruling planet na Mercury. Sa pangingibang-bansa, uunlad at aasenso ka na madali namang kinumpirma ng malinaw na Travel Line (Drawing A. at B. t-t arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. Ito ay tanda na kung hindi ikaw ang makapag-a-abroad, maaaring si mister o ang isa sa inyong mga anak ang magiging daan upang makaahon kayo sa kahirapan hanggang sa tuluyan na ring umunlad at umasenso ang inyong kabuhayan.
2. Basta ang mahalaga ay kailangang may maglakas-loob na mangibang-bansa dahil ayon sa iyong kapalaran, tulad ng nasabi na, kung hindi ikaw, maaaring ang mister mo o sigurado namang may makapag-a-abroad sa inyong pamilya.
3. Hinggil naman sa tanong mong uunlad din kaya ang pagsasama ng mag-asawa na hindi compatible sa isa’t isa, positibo ang tugon. Oo ang sagot dahil ang totoo nito ay may kani-kanya namang kapalaran ang bawat zodiac sign na kung ito ay susundin mo, tulad ng susuwertehin sa pag-a-abroad o pagnenegosyo ang isang tulad mong Gemini, ikaw ang magsisilbing giya o manibela upang marating ng inyong pamilya ang dulong lakbayin ng inyong kapalaran – ang maunlad at asensadong pamumuhay. Mga Dapat Gawin 1. Carla, kung sadyang hindi ka matanggap sa pag-a-apply dito sa bansa, tulad ng iminungkahi na, subukan mong mag-apply abroad at kapag hindi ka pa rin natanggap, puwede namang si mister ang pag-apply-in mo.
2. Sa ganitong paraan, ayon sa iyong mga datos, ngayong taon ding ito ng 2020, tiyak ang magaganap, magbabago na nang tuluyan ang takbo ng inyong pamumuhay sapagkat isa sa inyo ni mister ang makapangingibang-bansa na magiging daan upang tuluy-tuloy nang matamasa ang maaliwalas, bago at maunlad na buhay ng inyong pamilya habambuhay.




Comments