top of page
Machong Chismisan - YT.jpg

Paglaban sa nCoV, sumunod muna bago kumontra!

Ryan B. Sison
Jan 31, 2020
2 min read

Boses ni Ryan B. Sison

Mahilig ka ba sa ukay-ukay?

Sa gitna ng dumaraming kaso ng 2019 novel coronavirus (nCoV), ligtas pa bang gamitin ang mga produktong nabibili rito?

Nakaalerto ang Bureau of Customs (BOC) sa mga ukay-ukay at iba pang produktong iniaangkat mula sa iba’t ibang bansa, partikular sa China.

Paliwanag ng BOC, ang mga gamit na damit, animal products at iba pang imported food products ay maituturing na high risk dahil malaki ang tsansang kumapit sa mga ito ang nCoV.

Nakipag-ugnayan na rin ang BOC sa Philippine Coast Guard (PCG) at Department of Health (DOH) para tutukan ang mga produktong ipinapasok sa bansa.

Kabilang sa mahigpit na binabantayan ng BOC ang animal products at exotic animals dahil may nasasabat din silang exotic animals at hindi pinapayagang maipasok sa merkado.

Gayundin, nakipag-ugnayan sa Department of Agriculture (DA) ang BOC para malaman ang mga agricultural at animal product na puwedeng payagan na maipasok sa bansa dahil may kaukulang lisensiya galing sa DA.

May ilang Pinoy na bumabatikos sa anila’y wa’ ‘wentang hakbang na ito dahil mas marami pang dapat tutukan ang gobyerno at ‘wag nang pakialaman ang mga ganitong bagay.

Ang hirap sa ating mga Pinoy, takot na takot sa nCoV, pero ngayong may ginagawang paghihigpit ang gobyerno, may masasabi pa rin. Ano ba talaga?

Samantala, kahit mahigpit na tinututukan ng mga ahensiya ng gobyerno ang pagpasok ng mga kargamento mula sa ibang bansa, siguradong may mga kababayan pa rin tayong tumatangkilik sa ukay-ukay.

Para sa mga bumibili ng gamit at damit sa ukay-ukay, siguraduhing nalinis ito nang maayos bago gamitin, lalo na ang mga damit.

Kailangan nating maging maingat sa lahat ng gagawin natin mula sa pagpapanatiling malinis ng kapaligiran at katawan, pagpapalakas ng immune system at umiwas sa pagbabahagi ng fake news tungkol sa nasabing sakit.

Panawagan natin sa lahat, sa halip na batikusin ang hakbang na ginagawa ng gobyerno, makiisa na lang tayo at ‘wag nating kalimutan na lahat ng pagpapaalala at paghihigpit nila ay para sa ikabubuti ng nakararami.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page