Pag-iingat at dasal, mabisang panlaban sa nCoV
- BULGAR

- Jan 31, 2020
- 1 min read
Kinumpirma ng Department of Health (DOH) ang unang kaso ng 2019-novel coronavirus sa Pilipinas.
Sa isang press briefing, sinabi ni Health Secretary Francisco Duque III na isang 38-anyos na babae na mula sa Wuhan City, China ang nagpositibo sa nasabing nCoV.
Tiyak na kasabay ng paglabas ng balitang ito ang matinding takot at pag-aalala ngayon sa mamamayan lalo’t halos araw-araw ay tumataas ang bilang ng namamatay sa misteryosong sakit na nagmula sa China.
Tiniyak naman ng kalihim na ginagawa na ng kagawaran ang lahat ng kailangang aksiyon para ma-contain ang virus sa bansa.
Kaugnay nito, nasa 23 na ang mga itinuturing na ‘persons under investigation’ na posibleng apektado ng sakit.
Ngayong kumpirmado na, bagama’t, limitado ang detalyeng inilabas ng DOH, kailangang dagdagan pa ang pagbabantay para hindi ito kumalat.
Gawin na ang lahat o kung may kakulangan sa ating kagamitan o kakayahan, puwede namang magpasaklolo sa ibang bansa lalo’t laban na ito ng buong mundo.
Pakiusap din natin sa mga awtoridad, palaging mag-update nang hindi tayo pare-parehong nangangapa sa katotohanan. Madalas, dahil sa kawalan ng sapat na impormasyon, dito na nakakabuo ng kung anu-anong kuwento kahit wala namang basehan hanggang sa maging “fake news” na ang ending ay takot at kaguluhan.
Madaling sabihin na kumalma lang tayo, pero aminin natin, mahirap iwasang mag-alala lalo’t batid natin na sa ngayon, 170 na ang namatay sa China dahil sa nCoV.
Ito ay napakalaking hamon hindi lang sa gobyerno kundi sa bawat isa. Kaya itodo pa ang pag-iingat, alagaan ang ating kalusugan.
Higit sa lahat, manalangin na sana ay matapos na ang paglaganap ng sakit na ito.





Comments