Mga ipinanganak sa year of the Rat likas na suwerte kaya yumayaman
- Maestro Honorio Ong
- Jan 28, 2020
- 2 min read

Ituloy natin ang pagtalakay sa inyong kapalaran ngayong 2020 na ayon sa Chinese Astrology ay taon ng animal sign na Rat.
Sa pagkakataong ito, tatalakayin natin ang likas na katangian ng mga isinilang sa animal sign na Rat (silang isinilang sa mga taong 1912, 1924, 1936, 1948, 1960, 1972, 1984, 1996, 2008 at 2020).
Sinasabing sa 12 animals na ipinatawag ni Lord Buddha sa kanyang palasyo, daga o rat ang isa sa mga sobrang yumayaman. Ito ay dahil may ugali ang Rat na kung minsan ay nagiging matipid kaya lalong dumarami ang kanyang ipon habang ang ibang Rat na may pagkabulagsak o may pagkawaldas at galit sa pera ay nakapagtatakang yumayaman din.
Tulad ng nasabi na, ang mga Rat ay likas na suwerte hindi lamang sa pagnenegosyo kundi sa aspetong pangmateryal na bagay din, kaya bihirang-bihira kang makakita ng Rat na mahirap at kung sakaling makakita ka ng mahirap, ang karanasan niyang ito ay siguradong panandalian lamang dahil darating ang takdang panahong yayaman at uunlad ang kabuhayan ng isang tipikal na Rat.
Dagdag pa rito, ngayong panahon na ang Rat ay maunlad at maalwan ang pamumuhay, lalo niyang naa-appreciate ang halaga ng salapi, kaya lalo siyang nagpapakayaman.
Ginagawa niya ito dahil ang ibig sabihin ng “pera”, lalo na kung ikaw ay may maraming-maraming pera, ito ay may katumbas ding security at peace of mind, lalo na sa future.
Ang nakatutuwa pa sa Rat, sinasabing kapag nararamdaman niya na siya ay napakayaman na, hindi siya nagiging gahaman sa salapi. ‘Yung iba kasing napakayaman ay lalong nagiging sakim at gahaman, pero hindi ganu’n ang Rat, sa halip, nagagawa niyang mamigay, lalo na sa mga taong alam niyang may malalim na pangangailangan.
Kaya naman kapag yumaman ang Rat, nagagawa niyang balatuhan ang mga taong malalapit sa kanyang buhay, lalo na ang kanyang mga kamag-anak, kapitbahay at matatalik na kaibigan.
Dahil sa ugaling ito ng Rat na likas na mapagbigay, patuloy siyang pinagpapala ng langit, kaya naman lalo siyang yumayaman.
At dahil sa likas na suwerte, bukod sa yumayaman, madalas na matatagpuan ang Rat na naaabot ang lahat ng kanyang mga pangarap, lalo na sa career at propesyon.
Talagang ganu’n at wala tayong magagawa, ipinanganak ang Rat hindi para mabigo o malungkot sa buhay dahil bago pa siya iniluwal sa mundo, kakambal na nito ang suwerte at magandang kapalaran, hindi lamang sa salapi kundi ang kahit anong bagay na aambisyunin niya sa kanyang buhay ay paniguradong magkakatotoo at makakamit niya ito sa takdang panahong inilaan ng tadhana.
(Itutuloy)
Comments