Kaya ‘wag sobrang clingy, mga sis at bro… “Me-time”, mas nakapagpatibay ng relasyon

Marami sa atin ang naniniwala na kapag mas matagal kayong magkasama ng boyfriend/girlfriend mo, solid ang bonding n’yo. Well, totoo naman ‘yun, pero ang tanong, nakatutulong ba ito para maging healthy ang relasyon n’yo?
Alam n’yo ba na base sa pag-aaral, 41% ng mga may karelasyon ay nakikipaghiwalay sa kanilang partner kapag hindi sila pinayagang magkaroon ng “me-time”? Hmmm…
Sa poll na isinagawa sa 2,000 Americans na may karelasyon, 85% nito ang nagsabi na ang regular na pagkakaroon ng oras para sa sarili ay nakatutulong para magkaroon ng healthy relationship. Ang 82% ng kalahok ay nagsabi na ang pagkakaroon ng sapat na “me-time” ay nakatutulong upang maging matatag ang relasyon nila sa kanilang partner habang 58% naman ang nagsabi na mas gusto nilang kasama ang kanilang partner.
Ang pag-aaral ay isinagawa ng OnePoll sa tulong ng Elements Massage kung saan in-examine nila ang self-care routines at “me-time” habits ng mga kalahok at napag-alaman na “me-time” ang isa sa malalaking priorities ng mga ito.
Ayon sa mga resulta, ang ideal amount ng ‘me-time’ kada araw ay 51 minutes o katumbas ng anim na oras kada linggo. Gayundin, para sa mga kalahok, mas importante ang oras para sa kanilang sarili kesa sa date night kasama ang kanilang partner.
Lumabas din na 83% ng kalahok ay naniniwala na deserve nila ang self-care at “me-time”.
Para naman sa 60% ng kalahok, ang pinakamagandang paraan para ma-enjoy ang “me-time” ay sa pamamagitan ng paghiga sa couch habang nanonood ng pelikula o TV shows, habang pagbabasa ng libro (56%), pakikinig sa mga podcasts (42%) at pag-eehersisyo (38%) naman ang gustong gawin ng iba.
Samantala, lumabas din sa survey na may espesipikong sitwasyon na nagiging dahilan kaya nati-trigger ang indibidwal na mag-crave ng mas maraming oras para sa sarili kumpara sa nakasanayan.
Kalahati ng mga kalahok ang nagsabi na ang stress mula sa trabaho ang dahilan kung bakit gusto nila ng mas maraming oras para sa sarili. Bukod pa rito, may ilan pang dahilan kung bakit gusto ng mas maraming “me-time” ng ilan. Kabilang na rito ang holidays (47%), stress sa bahay (47%), malapit sa pamilya (45%) at kakulangan sa tulog (38%).
Oh, mga bro at sis, alam n’yo na, ha? Dehins natin kailangang gawing mundo ang ating BF/GF dahil mas kailangan natin ng “me-time” para mapanatiling healthy ang romantic relationship na meron tayo. Copy?





Comments