Matitinik sa Nat'l Collegiate C’ships, magkakasubukan na

Pormal na magsisimula ngayong hapon ang 2019 National Collegiate Championship NCR Eliminations sa Paco Arena tampok ang apat na matinik na kampeon ng kanilang mga liga. Isa lang sa Saint Clare College of Caloocan, Centro Escolar University, Diliman College at La Consolacion College-Manila ang tutuloy sa Luzon Regional Qualifier sa Pebrero 9 sa Naga City.
Maghaharap ang Saint Clare at CEU sa pangalawang laro ng 4:00 p.m. Nakapasok ang Saints sa bisa ng kanilang ika-apat na sunod na kampeonato sa National Athletic Association of Schools, Colleges and Universities (NAASCU) habang tatlong taon na hari ng Men’s National Collegiate Athletic Association (MNCAA) ang Scorpions.
Masusubukan agad ang bagong talagang coach ng CEU na si Jeff Napa na nasa kanyang unang linggo sa trabaho. Babalik para sa Scorpions ang mga beteranong sina Rich Guinitaran, Franz Diaz, Kurt Sunga, Jerome Santos, Dave Bernabe, Joshua Abastillas at Jordan Intic habang mas malaking papel ang gagampanan ni sentro Gilles Oloume.
Matibay pa rin ang koponan ng Saint Clare sa pangunguna ni 19th NAASCU MVP Mohamed Pare at mga kakamping sina Joseph Peñaredondo, John Edcel Rojas, Jan Dominic Formento, Rojay Santos, Bam Lopez, Clarence Tiquia at JJ Manacho. Maaring magsama si Coach Jinino Manansala ng ilang kasapi mula sa Junior Saints na kampeon din noong 2019. Sa unang laro ng 2:00 p.m., susukatin ng Diliman ang husay ng LCCM. Kinakatawan ng Blue Dragons ang Universities and Colleges Basketball League (UCBL) habang ang Blue Royals ay galing ng Inter-Scholastic Athletic Association (ISAA). Mga laro ngayong Hwebes – Paco Arena: 2:00 Diliman vs. La Consolacion-Manila; 4:00 CEU vs. Saint Clare.





Comments