Bebot na puro hirap muna ang aabutin bago makapag-abroad at matagpuan si mr. Right
- Maestro Honorio Ong
- Jan 23, 2020
- 2 min read
Dear Maestro, Nag-a-apply ako bilang caregiver kaya nandito ako sa Maynila. Ang problema, hanggang ngayon ay hindi pa rin malinaw kung matutuloy ako o hindi. Ngayon, naghihintay ako sa ibang tawag at may iba pa rin akong in-apply-an sa ibang agency, pero hanggang ngayon ay nagtataka ako sa sarili ko kung makaaalis pa ako o hindi kaya naisipan kong magtanong sa inyo, Maestro. Makapag-a-abroad ba ako o hindi? Kung hindi, saang larangan o career ako aasenso o anong trabaho rito sa Pilipinas ang bagay sa akin? Sa pag-ibig naman, wala pa rin akong boyfriend, kailan kaya ako magkaka-BF? March 13, 1990 ang birthday ko.
Umaasa, Flor ng Dapitan, Sampaloc, Manila
Dear Flor, Ang birth date mong 13 o 4 (dahil ang 13 ay 1+3=4) sa destiny number na 8 (3+13+1990=2006/ 20+ 06=26/ 2+6=8) at sa zodiac na Pisces ay nagsasabing bago ka tuluyang suwertehin o magtagumpay sa iyong buhay, career at pag-ibig ay magiging magara ang iyong karanasan at maraming pagsubok ang iyong pagdaraanan.
Tulad ng nangyayari na at mangyayari pa, mahihirapan kang mag-apply abroad at mahihirapan ka rin muna bago matuloy.
Kapag nahirapan ka na, saka ka pa lang maaaring matuloy sa ibang bansa. Sadyang ganyan ang kadalasang nagaganap sa buhay ng mga taong naiimpluwensiyahan ng mga numerong 4 at 8, hindi magiging panatag o madali ang tagumpay, ngunit sa sandaling nagtagumpay na sila, tuluy-tuloy at sunud-sunod na ang suwerte hanggang sa bandang huli ay makapag-a-abroad ka na, uunlad at yayaman.
Ganyan ang senaryong mangyayari sa iyong tadhana habang ikaw ay nabubuhay sa mundong ito.
Kaya umasa kang kapag natapos na ang mga pagsubok at nakaiinip na paghihintay, ayon sa iyong Travel Calendar, sa last quarter o huling yugto ng taong ito sa edad mong 30 pataas, makikita mo, kusa nang papabor sa iyo ang kapalaran at mapasasaiyo ang lahat ng tagumpay at ambisyon mo sa buhay.
Sa panahong nabanggit, matutupad na rin ang pangarap mong makapangibang-bansa at sa 2021, makikilala mo na ang magiging first and last boyfriend mo na nagtataglay ng zodiac sign na Cancer.





Comments