Game ka, besh?.. P1 milyon, premyo sa makatatagal ng 10 oras sa kakaibang haunted house
- Jersy Sanchez
- Jan 19, 2020
- 2 min read

Mahilig tayong mga Pinoy sa mga katatakutan mula sa mga kuwento, pelikula at kung minsan, pumapasok pa sa haunted o horror house sa mga amusement park. ‘Yung tipong kahit hindi naman Nobyembre, basta nakakita kayo nito, magkakayayaan kayong pumasok para masubok kung talaga bang nakakatakot ito o pasok sa standard ninyo.
Pero, alam n’yo ba na meron nang haunted house na sila ang nagbabayad sa mga pumapasok kapag natapos ang buong tour? Weh, ‘di nga?
May isang American haunted house na kilala bilang McKamey Manor kung saan nagbibigay sila ng $20,000 o katumbas ng mahigit P1 milyong premyo sa sinumang makasu-survive sa tour.
Ayon sa owner na si Russ McKamey, ibibigay ang premyo sa makatatapos ng tour na maaaring tumagal nang 10 oras at maka-survive sa haunted house.
Aniya, ang bawat guest ay itsa-challenge mentally at physically hanggang sa maabot ang “personal breaking point”, gayundin, maaaring magkaroon ng physical contact ang mga actor sa participants, pero hindi puwedeng hawakan ng participants ang mga actor.
Para makasali sa tour at makakuha ng $20,000, ang mga kalahok ay kailangang lagpas 21-anyos, may patunay ng medical insurance, nakatapos ng “sports physical” at nakapirma sa 40-pahina na waiver.
Ang mga qualified participant ay kailangang manood ng informative video na may habang dalawang oras kung saan ipinaliliwanag ni McKamey ang mga dapat malaman ng kalahok bago simulan ang tour.
Ang mga haunted house na nakasanayan nating puntahan ay nakakatakot dahil sa tulong ng creepy sounds, nanggugulat na mga actor at special effect.
Ngunit, sa McKamey Manor, kakaibang takot ang mararanasan ng mga sasabak sa tour dahil iba’t ibang punishments ang ibinibigay sa mga kalahok tulad ng pagpapagapang ng mga insekto sa mukha, panlulunod sa blood-like liquid at marami pang iba.
Gayundin, ibini-video ng owner ang lahat ng attempts para magkaroon ng proof kung sakaling i-claim ng kalahok na sila ay nakaranas ng torture o pisikal na pananakit.
Naku, mukhang hindi basta-basta ang challenges dahil sa mga test at permit pa lang ay napakahigpit na. Pero kung magkakaroon ka ng pagkakataon, kakayanin mo kaya?





Comments