Yayaman ‘pag nagnegosyo ng panabong na manok na pula
Dear Maestro, Naisipan kong sumangguni sa inyo dahil may gusto akong itanong tungkol sa negosyo. Matagal na akong nagsasabong at nang umuwi ang pinsan kong sabungero na galing Saudi, nais daw niya akong pahiramin ng pera bilang puhunan para mag-alaga ng manok na panabong. Nais ko sanang malaman, Maestro, sa pamamagitan ng birthday kong April 3, 1986, susuwertehin kaya ako sa pag-aalaga ng manok na panabong bilang negosyo at maaari kayang dito kami yumaman ng pinsan ko na isinilang noong December 18, 1983?
Umaasa, Herminio ng Loma de Gato, Marilao, Bulacan
Dear Herminio, Tama ka nga, suwerte ka sa pag-aalaga ng manok na panabong at iba pang pet animals. Puwede rin sa iyo ang kalapati, daga at iba’t ibang klase ng ibon o mga hayop na may pakpak tulad ng iba pang “breed” o lahi ng mga manok at ibon.
Sa ganyang gawain, madalas ay hindi sinusuwerte ang mga Aries at ganundin ang mga Sagittarius. Nagkataon na ang zodiac sign ng pinsan mong magpapahiram sa iyo ng puhunan ay Sagittarius at tulad ng nasabi na, r’yan sa negosyong nabanggit kayo yayaman at liligaya kung saan ang mga Aries at Sagittarius ay sadya namang nakararamdam ng inner healing o kakaibang saya at ito ring pag-aalaga ng mga hayop ang magpapahaba at magpapasigla ng kanilang buhay.
Kaya para sa mga Aries at Sagittarius, hindi puwedeng walang hayop o pet sa inyong bahay o bakuran dahil hindi nila namamalayan, ‘yun talaga (mga alagang hayop) ang magsisilbing anting-anting o agimat nila sa buhay kaya sila ay patuloy na sumisigla, lumalakas, sinusuwerte at nagkakaroon ng magagandang kapalaran.
Ayon sa Decadens ng iyong Kapalaran, Herminio, magandang magsimula ng nasabing negosyo na may kaugnayan sa pag-aalaga ng manok na panabong, lalo na ang mga “manok na pula” ngayong taon ding ito ng 2020, ganap na umpisahan ang nasabing negosyo sa saktong buwan ng Abril, sa petsang 5.
Sa ganyang paraan, sa nasabing negosyo, tiyak ang magaganap, lilipas ang isang taon pa, kusang darami ang mga alaga ninyong manok na panabong hanggang sa tuluy-tuloy nang umunlad ang iyong negosyo at tuluyan na kayong yumaman na nakatakdang mangyari sa 2028 sa edad mong 42 pataas at 45 naman ang pinsan mo.




Comments