Wala raw ibang may 'K'… Barbie, ipinagsigawang siya ang Kapuso Primetime Princess?
- Nitz Miralles
- Jan 13, 2020
- 1 min read
Nitz Miralles / Bida

Wala naman sigurong kokontra sa ipinost ni Barbie Forteza na, “My heart is very happy. After a decade with GMA Network, I am finally proud to say that I AM the Kapuso Primetime Princess.”
Sa age bracket at liga niya, walang ibang Kapuso star na babagayan ng title na ito kundi si Barbie lang. Ilang beses nang pinatunayan ni Barbie na siya talaga ang Kapuso Primetime Princess. At sa mga kaedad niyang Kapuso actresses, walang ibang magaling sa drama at comedy.
Ilang direktor na ang nakatsikahan namin na kung husay din lang sa comedy at drama ang pag-uusapan, laging si Barbie ang kanilang binabanggit. Si Director Yam Laranas, gustong makatrabaho ulit si Barbie at nang tanungin ng reporter kung bakit, isa lang ang naging sagot nito, “Dahil magaling siya.”
Anyway, muling magpapakita ng galing sa comedy at drama si Barbie sa bagong primetime series ng GMA-7 na Anak ni Waray vs. Anak ni Biday. Mas drama raw ang TV adaptation ng hit movie noon nina Snooky Serna at Maricel Soriano, kaya tamang tawaging drama at comedy o dramedy.
Mapapanood sa Anak ni Waray vs. Anak ni Biday ang ilang tourist spots sa Tacloban City at Ilocos Norte dahil nag-taping ang cast sa nasabing mga lugar ng bansa.





Comments