Hangganan ng malayang pamamahayag ng Media
- Persida Acosta
- Jan 12, 2020
- 3 min read
Ang gampanin ng mamamahayag na maghatid ng totoong balita ay tunay na napakahalaga dahil ang maling balita ay maaaring makapanira ng kinabukasan, karera o buhay ng taong paksa (subject). Nakapaloob ang responsibilidad ng mga kawani sa Broadcast Media sa 2007 Broadcast Code of the Philippines.
Ang pangunahing layunin ng tagapaghatid-balita ay iparating sa lipunan ang mahahalagang pangyayari sa paligid. Bukod sa kahalagahan ng mga pangyayaring ito, mahalaga na ang maiparating na impormasyon sa publiko ay tama.
Ang broadcast media ay nand’yan upang magmasid at iparating sa mamamayan ang mga usapin para maging alerto sa mga kaganapan sa loob at labas ng bansa. Gayundin, iparating sa taumbayan ang mga totoo at balanseng balita at opinyon. Ang responsableng pagbabalita at pagkokomentaryo ang sandata ng mamamahayag laban sa mga bumabatikos sa kanila.
Ang karapatan ng mga tagapaghatid-balita para iparating sa mga tao ang mga totoong nangyayari sa kanilang kapaligiran ay hindi dapat hadlangan. Karapatan ng mamamayan na malaman ang mga bagay-bagay na nangyayari sa paligid nang sa gayun ay maging bukas ang kanilang isipan sa mga usapin at paksa na makaaapekto sa kanilang kapakanan.
Ang mga usaping politikal ay dapat maiparating sa mamamayan dahil sila ang naglalagay ng mga taong inaasahan nilang sila ay pagsisilbihan nang buong katapatan. Kinakailangan lamang na ang mga pahayag na ito ay balanse, may katotohanan at hindi nababago sa pamamagitan ng pagbabawas o pagdaragdag ng impormasyon o detalye tungkol sa nasabing usapin.
Ang lahat ng ipinararating na balita ay marapat lamang na patas, makatarungan at may magandang layunin. Kaya naman ang panig ng bawat partido ay nararapat na iparating upang ganap na maintindihan ng karamihan ang katotohanan sa mga balita (Section 3, Article 1, News and Public Affairs, 2007 Broadcast Code of the Philippines).
Dapat malaman ng mga kabahagi ng mga tagapaghatid-balita na mahalaga ang dignidad ng tao. Marapat na maging responsable sila sa pagpapahayag ng kanilang opinyon sa mga bagay-bagay lalo pa at may kinalaman ito sa personal na buhay ng tao.
Ang mga tsismis at usapang walang basehan ay hindi dapat gawing balita. Gayundin, ang dignidad ng mga bata ay marapat pangalagaan. Ang mga pagkakakilanlan ng mga batang nasangkot sa krimen ay marapat na manatiling lihim. Anumang panayam sa mga bata na sangkot ay maisasagawa lamang kung mayroong pagsang-ayon ang kanilang mga magulang (Section 6, Article 3, Coverage Involving Children, 2007 Broadcast Code of the Philippines).
Ipinagbabawal din sa mga tagapaghatid-balita na tumanggap ng anumang pera, regalo, benepisyo o anumang prebilehiyo para magbigay ng pabor sa tao, grupo o institusyon habang ito ay nagbabalita. Anumang aksiyon na maaaring maging dahilan para masira ang pampublikong interes o magdulot ng pagkawala ng kredibilidad ng istasyon ay kinakailangang iwasan. (Article 31, Id.).
May mga batas tayo na nagpapataw ng kaparusahan laban sa hindi responsable at hindi makatarungang paggamit ng karapatang maghatid ng balita o impormasyon at magpahayag ng sariling opinyon. Kabilang dito ay ang Inciting to Rebellion or Insurrection, Inciting to Sedition at Libel na nakatala at binigyang-kahulugan sa Articles 138, 142 at 353 ng ating Penal Code. Karaniwan sa mga ito ay ang kasong libelo na ayon sa Article 353 ng nasabing batas. Ang libelo ay ang hayagan at malisyosong pagpaparatang laban sa tao ng krimen, bisyo o depekto — ito man ay totoo o imahinasyon lamang. Maaari ring ito ay aksiyon, kondisyon, sitwasyon o pagkakataong maaaring maging sanhi ng kasiraan ng tao o magdulot ng kalapastanganan sa alaala ng taong namatay na.
Comments