Naanakan at iniwan ng pamilyadong lalaki, lolokohin lang ulit ‘pag nakipagbalikan pa
- Maestro Honorio Ong
- Jan 10, 2020
- 2 min read
Maestro Honorio Ong

Katanungan
Noong ako ay nasa Dubai, nabuntis ako ng kasamahan ko sa trabaho, pero hindi niya ako pinanagutan dahil may asawa na siya at pamilyadong tao. Ayaw daw niyang masira ang pamilya niya, pero ako ang sinira niya. Kaya kahit masama ang loob ko, umuwi ako ng Pilipinas, binuhay kong mag-isa at pinalaki ang aming anak nang walang kinikilalang ama.
Dalawang taon ang lumipas, muli kaming nagkita ng ama ng anak ko at hindi ko alam na nakauwi na rin pala siya. Nabanggit niya na hiwalay na sila ng asawa niya at sumama na sa ibang lalaki noong nasa Dubai pa siya.
Regular na naman kaming nagkikita at nagde-date ngayon, gayundin, nahuhulog na ulit ang loob ko sa kanya. Gusto niyang magsama na kami bilang mag-asawa at bumuo ng pamilya. Ano sa palagay n’yo, Maestro, siya na kaya ang tunay kong soulmate kaya kahit hindi sinasadya ay pinagtagpo ulit kami ng tadhana?
Kasagutan
Ang pinakamabuti mong magagawa ngayon ay alamin mo munang mabuti kung totoo na hiwalay na siya sa kanyang tunay na asawa. Dapat ay ipakilala ka niya sa kanyang pamilya o kailangang makakuha ka ng isang matibay na ebidensiya na hiwalay na nga sila ng asawa niya dahil kung hindi, muli ka na namang magpapaloko at ang masaklap ay maanakan ka na naman at pagkatapos ay bumalik sa kanyang orihinal na asawa.
Hindi siya ang nakatakda mong mapapangasawa at makakasama habambuhay. Ito ang nais sabihin ng magkalayong dalawang Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M, 2-M arrow a. at b.) sa kaliwa at kanan mong palad. Sa halip, ang dalawang guhit ng pag-aasawang tinuran ay magkaibang lalaki.
Kaya tulad ng naipaliwanag na, ‘wag kang hangal, dahil maaaring muli kayong magkita ng ama ng iyong anak, hindi dahil soulmate kayo o itinakda ng tadhana sa isa’t isa, bagkus, muli kayong nagkita dahil suki ka na niyang linlangin at lokohin.
Mga Dapat Gawin
Kapag daw na-racket ka na ng isang beses, nadukutan o nawalan, palagi ka nang mara-racket, palagi ka nang mawawalan. Ganundin sa pag-ibig at pakikipagrelasyon, kapag lumuha ka ng isa, dalawa o tatlong beses, magiging suki ka ng kabiguan kaya mahihirapan ka nang makatagpo ng masaya at panghabambuhay na pakikipagrelasyon o pagpapamilya, maliban na lang kung susundin mo ang pinagsasabi ni Maestro Honorio Ong para malaman mo kung ano ang dapat mong gawin sa iyong kapalaran at kung sino ang ka-compatible mo.
Ganundin sa kaso mo, Myrna, kapag itinuloy mo na naman ang pakikipagbolahan sa lalaking manloloko, muli ka na namang maloloko at sa bandang huli, tadhana ang sisisihin mo kung bakit palagi kang bigo sa pag-ibig, pero ang obvious naman na dahilan ay simple lang, madali kang mapaniwala ng mga loko-lokong lalaki. Sabi nga ng isa sa pinakamayamang tao sa buong mundo na si Warren Buffett, “Honesty is a very expensive gift, don’t expect it from cheap people.”
Ayon sa iyong mga datos, hintayin mo ang walang sabit na lalaki na isinilang sa zodiac sign na Taurus, siya ang ikalawang tunay at tapat na mangingibig na darating sa buhay mo kung saan kahit may anak ka na sa pagkadalaga, mamahalin ka niya nang wagas at dalisay upang siya ang mapangasawa mo at makakasama sa pagbuo ng maligaya at panghabambuhay na pamilya.




Comments