May almoranas, mas tagilid na mahawa ng AIDS dahil sa anal sex
- BULGAR

- Jan 10, 2020
- 2 min read
Dear Doc. Shane, Meron akong almoranas at minsan ay nagdurugo ito lalo na kapag nagtitibi ako. Masama ba ang anal sex kapag may almoranas? Meron ba akong puwedeng gawin at igamot para hindi ito lumala? — Alex
Sagot Bagama’t, ang almoranas o hemorrhoid ay nakasasagabal sa mga taong mayroon nito dahil nagdudulot ng kirot at pagdurugo lalo na habang o pagkatapos dumumi, ito ay hindi nakamamatay na sakit. Ngunit, kung hindi mapigil ang pagdurugo o hindi na makayanan ang kirot, dapat nang magpakonsulta sa doktor upang mabigyan ng wastong gamot o solusyon para rito.

Ang almoranas ay hindi rin nakahahawa. Ang sanhi nito ay maaaring genetic, ang pagkakaroon nito mismo ay hindi dulot ng bacteria, virus o anumang mikrobyo na nakahahawa, bagkus, ito ay dahil sa paglaki ng mga ugat sa may puwitan.
Ang ‘anal sex’ ay ‘high-risk behavior’ dahil mataas ang posibilidad na ito ay maging paraan upang mahawa ng mga STD tulad ng HIV/AIDS. Ang pagkakaroon ng almoranas ay lalo pang nagpapataas ng posibilidad na ito dahil maselan ang puwitan at madaling masugatan. Dapat maging maingat at marahan din ang pakikipagtalik upang hindi magdulot ng mga sugat at iritasyon.
Gayunman, ang almoranas ay nagagamot. May mga ointment na ipinapahid tulad ng zinc oxide o mga steroid cream at suppository na ipinapasok sa puwitan na nakatutulong upang mawala ang kirot, hapdi, pangangati o pamamaga sa puwit dahil sa almoranas. Ang pag-inom ng pain reliever tulad ng ibuprofen o paracetamol ay maaari ring makatulong. Ang pagkain ng mataas sa fiber tulad ng gulay at prutas ay nakatutulong din dahil pinalalambot nito ang dumi.
Kung hindi mapigilan ang pagdurugo, heto ang ilan sa mga maaaring gawin:
Mag-apply ng yelo o ‘icepack’ sa puwit para ma-relax ito, mawala ang pamamaga at mapigil ang pagdurugo. Gawin ito mula 10 hanggang 15 minuto, dalawa o tatlong beses sa isang araw.
Maglublob sa maligamgam na tubig gabi-gabi upang ma-relax ang puwit at maiwasan ang pagdurugo.
May mga creams na puwedeng ipahid upang mawala ang pamamaga pero kailangan ng konsultasyon sa doktor bago gumamit ng mga creams o ointment para rito.
Iwasan ang pag-inom ng alak o kape.
Dagdagan ang pagkain ng fiber upang mapalambot ang dumi at hindi makairita ng balat sa puwit.




Comments