Liga na magpapalakas sa 3X3 Women’s Basketball, itatatag
- A. Servinio
- Jan 8, 2020
- 2 min read

Photo: gmanetwork
Dala ng mahusay na ipinakita ng pambansang koponan sa nakaraang 30th Southeast Asian Games, lalong tumibay ang loob ng Chooks-To-Go na tumulong sa pag-usbong ng basketball para sa mga kababaihan. Nakalatag na ang plano para sa isang liga para sa kanila na isasabay sa pangalawang taon ng Chooks To Go Pilipinas 3X3 sa susunod na buwan.
“Ngayon pa lang ay nakapokus na kami sa 2024 Paris Olympics,” wika ni Ronald Mascarinas, ang may-ari ng liga. “Muntik na tayo makapasok sa 2020 Tokyo na walang masyadong aktibidad kaya ngayon ang pakay natin ay makapasok ng diretso at hindi na daraan sa qualifying tournament.”
Namuno si Mascarinas sa isang payak na pagpugay at pasasalamat sa mga manlalarong sina Afril Bernardino, Jack Danielle Animam at Clare Castro para sa kanilang dalawang ginto sa SEA Games. Hindi nakadalo si Janine Pontejos at Coach Patrick Aquino subalit kinatawan sila ni Coach Mark Solano ng
Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP). Sisikapin ng bagong liga na umakit ng hanggang walong koponan at magdaos ng apat na komperensiya sa 2020.
Gaya ng mga kalalakihan, ang mga kampeon ay ipapadala sa mga FIBA 3X3 tournaments sa ibang bansa para makalikom ng mas maraming puntos para sa bansa at umangat ang antas sa FIBA. Malugod din na ibinalita ni Mascarinas na ginawad na ng FIBA sa Pilipinas ang karapatan na magdaos ng isang Super Quest at isang yugto ng FIBA 3X3 World Tour ngayong taon.
Ito ang pagkakataon para masaksihan muli ng mga Filipino ang pinakamataas ng kalidad ng 3X3. Dahil sa suporta ng Chooks To Go, tumaas ang puwesto ng Pilipinas sa pandaidigang 3X3 at nagbunga ito ng maimbitahan ang mga kalalakihan sa Olympic Qualifying Tournament ngayong Marso sa India.
Hindi malayo na darating din ang panahon na mapantayan o baka mahigitan pa ng kababaihan ang naabot ng mga kalalakihan sa larangan ng 3X3.





Comments