Pagiging masuwerte, hindi nababase sa relihiyon kundi sa ugali
- Socrates Magnus
- Jan 6, 2020
- 3 min read
Salaminin natin ang iba pang panaginip ni Lui Chun ng Lui_Tak@facebook.com.
Dear Professor, Nagpunta ako sa basement ng pavilion at pumipila ‘yung bayaw ko roon. Ang daming tao na nakapila, siksikan at hinila ako ni bayaw at pinasingit sa pila.
Nang papalapit na kami sa counter, nakita ko na parang tayaan ng lotto, gayundin, sinabi niya na tumaya kami kasi ito raw ‘yung kombinasyon na lalabas bukas.
Tinanong ko kung paano nangyari ‘yun, eh, sa gabi pa ang bola? Nakapaskil sa itaas ‘yung mga numero, tapos patuloy na dumaragsa ang mga tao. Sabi ko, kalokohan ‘yun at sinabi niya na magiging milyonaryo na kami.
Umalis kami sa pila at pumunta kung saan nakaparada ‘yung mga sasakyan namin, pero bumubulung-bulong siya at tila nanghihinayang.
Maya-maya, in-announce na tapos na ang convention kaya isa-isa nang lumabas ‘yung mga mag-asawa na nakaputi.
Mula sa labas ng bakod, nakikita namin na inaabutan ng regalo ang bawat mag-asawa. Mga bilog na cake na sobrang laki at kasinglaki ng round table na pang-12 katao.
Lahat ng nanonood sa labas ay nagpalakpakan sa tuwa, gayundin, lahat kami ay namangha sa laki ng regalo.
Sa bandang huli, nanawagan na may isang member na babae na walang partner, pero hindi raw puwedeng umuwi nang walang partner. Tinatawagan ang sinuman na gustong pumares na pumunta sa stage.
Nagtinginan ang mga tao sa akin at ako ang pinapupunta, itinutulak pa ako ni bayaw para pumasok. Sabi ko, ayoko kasi hindi ako nakabihis nang maayos at nakakahiya sa babae.
Sa kapipilit nila, nakapasok ako sa gate, pero nag-announce na meron nang lalaki na pumunta kaya balik ako sa labas.
Nakita namin nang iniabot sa kanila ang napakaraming regalo dahil ibinigay na lahat ang mga natitirang panregalo.
Nakaramdam ako ng pagsisisi at panghihinayang, lalo na nang sinabi ng bayaw ko na ako na lang sana ‘yung pumunta dahil mas morokimok (sa salita namin ay ‘yung maliliit na piraso ng biscuit na naiiwan sa lata) pa sa akin ‘yung lalaking pumunta.
Nagkani-kanya na kami ng uwi at nakita ko ang sarili ko na nasa bayan namin sa Samar. Nakita ko ang bahay namin na lumang-luma na. Ang atip na pawid ay halos wala na, kita na ang mga kawayan na pinagtahian ng sasa.
Bagsak na rin ang bakod at ang halaman na violeta sa harap ay matataas na at halos lampas na sa bakod.
Ang kanyang mga dahon ay kulay abo na sa alikabok na naipon sa haba ng panahon. Nakaramdam ako ng lungkot sa aking nakita at ako ay naglakad palayo sa aming bahay.
Naghihintay, Lui Chun
Sa iyo, Lui Chun,
Muli, ayon sa mga Born-Again, hindi nakapagliligtas ang relihiyon, ito rin ay nagsasabing hindi ka susuwertehin sa relihiyon tulad mismo ng napanaginipan mo na may ibang lalaki na suwerte at hindi ikaw.
Ang suwerte ay mapalad sa wikang Tagalog. Ayon sa nasusulat, “Mapalad ang mapagkumbaba”, kaya ang mga susuwertehin ay ang mga mapagkumbaba.
Gusto mong suwertehin? Maging mapagkumbaba ka.
Sabi pa at ito ang karugtong ng nasusulat, “Mapalad ang mahabagin,” kaya ikaw ay susuwertehin kapag ikaw ay maawain.
Dagdag pa sa nasusulat, “Mapalad ang naghahangad ng kapayapaan (peace).” Ibig sabihin, hindi susuwertehin ang mga palaaway.
May iba pang kabilang sa mapalad na binanggit si Lord Jesus Christ, pero sa dami ng mga ito, wala kang mababasa na ang tao ay mapalad o susuwertehin nang dahil sa relihiyon.
Ito ang mensahe ng iyong panaginip, bulay-bulayin mo kapag nag-iisa ka at makatitiyak na ang sinabi ni Jesus ay magkakatotoo kapag isinabuhay mo.
Hanggang sa muli, Professor Seigusmundo del Mundo





Comments