Ipinanregalo raw sa kanila nina "Ma'm at "Sir"… MMFF season pass, gamit na gamit
- Beth Gelena
- Jan 4, 2020
- 2 min read
Beth Gelena / Bulgary Files

Nanood ang inyong lingkod ng The Mall, The Merrier movie nina Vice Ganda at Anne Curtis sa sinehan sa Fairview, Quezon City nu’ng January 2, 7:30 PM.
Sa ticketing booth, shocked kami dahil ang halos kasabayan naming manonood ay pawang Metro Manila Film Festival season pass ang gamit.
May mga nagdala ng apat na season pass. Ang iba ay good for two at meron ding halos pang-dalawang pamilya na ang ipini-present sa counter na season pass.
Curiously, tinanong namin ang mga may hawak ng season pass kung sino ang nagbigay sa kanila ng mga ito. Connected ba sa showbiz ang pinanggalingan ng mga tiket?
Ayon sa mga manonood, iniregalo lang sa kanila ang tiket. Hindi raw nila alam kung kanino galing.
Ang iba, sabi ay ibinigay sa kanila ng kanilang amo. May kakilala raw kasi sa mga committee ng MMFF ang sir at ma’am nila.
Maging ang isa sa dalawang pamilya na aming napagtanungan ay tuwang-tuwa dahil mapapanood nila ang movie ni Coco Martin na hindi na raw gagastos nang malaki dahil sampu sila sa buong pamilya. May nagbigay lang din daw sa kanila ng nasabing season pass. O, ‘di ba? Nakakaloka!
Sa amin kasing pagkakaalam ay limitado lang ang pagbibigay ng season pass ng MMFF.
Katunayan, may nakapagsabi sa amin na ipinost pa ni Noel Ferrer sa kanyang FB account na limitado ang MMFF season pass na ipamimigay.
Imagine, ang PMPC na nag-i-screen ng mga pelikula at nagbibigay ng awards for movies ay iilan lang ang nabigyan at good for one, pero karamihan sa mga miyembro ay wala. Kamukat-mukat mo, sandamakmak na season pass ang napupunta sa mga hindi naman konektado sa showbiz?
Hindi ba’t dapat ang mga taga-industriya, lalo na kaming mga press people na kailangang manood ng mga pelikulang nire-review namin, ang dapat na maging priority sa season o complimentary pass ng MMFF? Pero ang nangyayari, kung sino ‘yung mga nakaupong organizers ng MMFF, sila ang nakikinabang at kung kani-kanino lang pala ipinamimigay.
Ganito rin sa kaso ng deputy ID ng MTRCB na kami pang mga press people mismo na nagre-review ng mga pelikula ang hindi nabibigyan, samantalang ‘yung mga dyulalay ng ilang mambabatas at board members ng ahensiya, aba’t may deputy ID gayung imposible namang nagre-review ng pelikula ang mga ito at nakagagawa ng monthly report para maipasa sa MTRCB.
Hindi kaya dapat ding bigyang-pansin ng mga kinauukulan ang nangyayaring ito na pang-aabuso sa paggamit ng mga complimentary pass at deputy ID ng mga hindi naman konektado sa movie at showbiz industry?





Comments