Total ban sa pagpapadala ng mga OFW sa Kuwait, napapanahon na!
- BULGAR

- Jan 3, 2020
- 1 min read
Isa na namang overseas Filipino worker (OFW) ang pinatay sa Kuwait. Ang itinuturong salarin ay ang kanyang babaeng amo.
Bagama’t, wala pang kumpletong detalye sa insidente, lumilitaw na nabasag ang ulo nito.
Kinilala ang nasawi na si Jeanelyn Villavende, isang domestic helper, na pinatay nitong Disyembre 30, habang nakakulong na ang mag-asawang amo nito.
Nangyari ito sa kabila ng kasunduang pinirmahan ng Pilipinas at Kuwait noong 2018 laban sa pang-aabuso at karahasan sa mga Pinoy na nagtatrabaho roon — nakapanlulumo at nakadidismaya.
Kaugnay nito, kinumpirma ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang pagpapatupad ng partial deployment ban sa Kuwait. Wala munang bagong ipoproseso na deployment ng mga bagong OFW sa nasabing bansa. Kasabay nito ang pag-aaral kung dapat nang ipatupad ang total ban hangga’t hindi naibibigay ang katarungan sa panibagong kaso ng pagpatay.
Ilang OFWs pa ba ang kailangang makaranas ng gulpi at kahalayan bago matigil ang ganitong pang-aabuso? Ilang OFWs pa ba ang kailangang umuwing bangkay bago matiyak na wala nang susunod na biktima? Ito ba ang kapalit ng sakripisyong malayo sa pamilya at mangarap na makaahon sa kahirapan?
Bagama’t may mga pinapalad at nakatatagpo ng mabubuting amo, hindi pa rin natin maiwasang isipin na baka panahon na para sa total ban sa pagpapadala ng domestic helper sa mga bansang may kaso ng pang-aabuso.
Pero, sa totoo lang, kung may sapat lang sanang kabuhayan sa Pilipinas, hindi na nila kailangang lumabas ng bansa at itaya ang sariling buhay.
Sana, matupad na ang pinapangarap ng gobyerno at ng maraming pamilya na wala nang kaanak na kakailanganing umalis pa ng bansa para magtrabaho.





Comments