Ravena at Tungcab, dagdag para sa Gilas 2020 FIBA Cup
- VA
- Dec 31, 2019
- 1 min read

Bukod sa limang mga manlalarong nakasama sa isinagawang espesyal na Gilas Draft noong nakaraang Disyembre 8, dalawa pa ang idinagdag ng pamunuan ng Samahang Basketbol ng Pilipinas sa Gilas Pilipinas pool para sa 2020 FIBA World Cup Asian Qualifiers. Base sa pahayag ng ilang mapagkakatiwalaang mga sources, ang dalawang manlalaro na napahanay sa Gilas pool ay sina UAAP 3-time Finals MVP Thirdy Ravena at University of the Philippines standout Jaydee Tungcab.
Ang dalawa ay isinama kina PBA incoming rookies Isaac Go, Rey Suerte, Allyn Bulanadi at ang kambal na sina Matt at Mike Nieto. Pinili umano sina Ravena at Tungcab ayon sa mga sources ni Gilas Men’s program director Tab Baldwin. Ito na ang magiging ikalawang beses na maglalaro ang 6-foot-3 na si Ravena para sa Gilas. Una siyang naglaro sa Gilas Pilipinas noong nakaraang Pebrero sa FIBA World Cup Asian Qualifiers.
Pero kumpara kina Go, sina Ravena at Tungcab ay hindi lumahok sa nakaraang PBA Annual Rookie Draft. Naging sorpresa namang maituturing ang pagkakapili kay Tungcab para makasama sa Gilas pool. Ang pagiging isang magaling na two-way player ang naging dahilan upang mapili ang 6-foot-3 at 22-anyos na si Tungcab.
Ang pitong mga dating collegiate standouts ay sasabak lahat sa 2021 FIBA Asia Cup Qualifiers na magsisimula sa Pebrero.
Nakatakdang simulan ng Gilas Pilipinas na kabilang sa Group A kasama ng Thailand, Indonesia at South Korea ang kanilang kampanya sa darating na qualifiers sa Pebrero 20 kontra Thailand.





Comments