‘Wag lang mag-iinarte… Damit na kulay dilaw, pula at asul, suwerte sa matandang dalaga para makapag-
- Maestro Honorio Ong
- Dec 31, 2019
- 3 min read
Dear Maestro, Naisipan kong sumangguni sa inyo upang itanong kung ano ang mga masuwerte kong araw, buwan, taon, kulay at numero at kung paano gagamitin ito? Sana, malaman ko rin kung makapag-aasawa pa kaya ako o habambuhay na akong tatandang dalaga? December 10, 1974 ang birthday ko.
Umaasa, Ms. Sagittarius Lamao ng Limay, Bataan
Dear Ms. Sagittarius, Sa praktikal na pag-aanalisa, wala munang hula, mahirap nang makapag-asawa kung ang edad ng babae ay tumungtong na sa kuwarenta, lalo na ang mga tulad mong nasa 45-anyos na. Kumbaga sa bolitas ng huweteng, gradweyt ka na, pero aabot pa naan sa bolitas ng lotto.
Kung gusto mo talagang makapag-asawa, dapat seryoso ka sa paghahanap ng lalaking makatutugma mo sa buhay at makatutugon sa iyong pangangailangang seksuwal at emosyonal. Ibig sabihin ng seryoso ay maging priority mo ang pag-aasawa.
Halimbawa, may grupo na nagyayaya ng outing, dapat ay ‘wag ka nang mag-inarte kung saan sasabihin mo pang pag-iisipan mo o susunod ka, tapos hindi ka naman pala sasama.
Kung ganu’n ang estilo ng pakikisalamuha mo sa iyong mga kaibigan at kakilala, paano ka makapag-aasawa? Parang takot ka sa activities na may kaugnayan sa lipunan, gayung dapat alam mo na sa paglabas-labas ng bahay ay puwede kang makatalisod ng lalaking mapapangasawa mo.
Halimbawa namang may activities sa inyong lugar, anumang gawain ‘yun at niyaya ka, ‘wag kang tatanggi. Hindi dapat puro alibi o palusot ang mamutawi sa bibig mo dahil kung ganyan ang attitude mo sa iyong mga kaibigan o kakilala, paano ka makapag-aasawa?
Sa halip, para makapag-asawa ang tumatandang babae, dapat, kapag may nagyaya, isang yaya lang sa iyo ng mga kaibigan mo, ‘wag ka nang magdalawang-isip pa, gora na!
Tandaan mo, sa bawat pagtitipon o gawaing-panlipunan, dagdag na opportunity ang mga ito upang makatagpo ka ng lalaking makakasama mo habambuhay.
At para mabilis makatagpo ng lalaking mapapangasawa, dapat palagi ka ring magsuot ng dilaw na siyang kulay ng birth date mong 10 o 1 (dahil ang 10 at 1+0=1) o pula, pink at iba pang kulay na hinango sa pula. Puwede rin ang asul at lila paminsan-minsan bilang pamalit sa pula.
Ganito ang paggamit, tuwing sasapit ang mga petsang 1, 10, 19, 28, 4, 13, 22, 31, 7, 16, 25, 2, 11, 20 at 29, lalo na at natapat sa mga araw ng Lunes, Linggo at Sabado, dilaw ang isuot mo. Habang tuwing sasapit naman ang mga petsang 3, 12, 21, 30, 6, 15, 24, 9, 18 at 27, lalo na at natapat ang nasabing mga petsa sa Martes, Huwebes at Biyernes, pula o asul ang gamitin mong kulay.
Sa ganyang paraan, mas madali mo nang mahahatak ang magagandang kapalaran, lalo na sa larangan ng pag-ibig at pakikipagrelasyon. Hinggil naman sa mapalad mong numero, ang lahat ng petsa sa itaas ay siya ring mapalad mong numero, sila ang mga numerong may sumatutal na 4, 1 at 3, 6, 9.
Dagdag pa rito, upang mas madaling makapag-asawa, palagi kang sumama sa mga taong may mga zodiac sign na Leo, Aries, Gemini at kapwa mo Sagittarius, lalo na kung ang petsa ng kanilang birth date ay binanggit sa itaas sapagkat darating ang pagkakataon sa iyong buhay na sa nasabing mga birth date huhugot ang kapalaran ng iyong mapapangasawa at makakasama habambuhay.
Ayon sa iyong Love Calendar, sa sandaling sinunod mo ang mga rekomendasyong inilahad, tiyak ang magaganap kahit 45-anyos ka na, makapag-aasawa ka at magkakaroon ng simple at masayang pamilya na nakatakdang mangyari ngayong pagpasok ng 2020 bago sumapit ang edad mong 46.




Comments