top of page
Pokwang.jpg

Pag-iingat kontra-sunog, ugaliin para iwas-buwis-buhay

Writer: BULGAR
BULGAR
Dec 30, 2019
1 min read

Hindi lang tuwing Marso na ‘Fire Prevention Month’ ang pag-iingat sa sunog, dapat araw-araw.

Gayunman, bukod sa tag-init, takaw-sunog din ang Holiday Season na itinuturing na ‘Fire Hazard Month’. Kasabay ng pagiging abala sa kaliwa’t kanang paghahanda o kasiyahan, may mga bagay tayong nakakaligtaan o hindi napagtutuunan ng pansin na puwedeng pagmulan ng sunog.

Unang-una, sa paggamit ng kuryente. Sa dami ng appliances at gadgets na nakasaksak, hindi natin namamalayang overloaded na pala. May pagkakataon din na napabayaang kalan o depektibong gamit ang dahilan ng sunog.

Pangalawa, ang mga bata na busy sa paglalaro ng kung anu-ano kung saan pati posporo o lighter ay pinakikialaman. Dapat palagi silang sinusubaybayan at pinaaalalahanan.

Pangatlo, paputok. Kailangang maging responsable kung hindi maiwasang magpaputok.

Pang-apat, ang mga ilegal at sala-salabat na koneksiyon ng kuryente. Mahiya naman kayo. Hindi na nga kayo namumuhay nang patas, nandadamay pa kayo! Samantala, ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP), mas mataas na ang bilang ng insidente ng sunog ngayong taon kumpara noong 2018.

Ngayong 2019, nakapagtala na ang ahensiya ng 16,531 sunog sa buong bansa, dalawang linggo bago matapos ang taon, mas mataas ito ng 308 sunog kumpara noong nakaraang taon.

Hindi naman siguro nagkulang sa pagpapaalala ang gobyerno lalo na tuwing sasalubong sa Bagong Taon, huwag tayong matigas ang ulo.

Maging responsable at disiplinado tayo para manatiling buo ang pamilya at ang ating tirahan sa pagtawid ng taon.

 
 
 

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page