Tabuena at Que, reresbak sa Asia Golf Tour, Hong Kong

Photo: foxsports
Pipiliting makaresbak ng mga premyadong Pinoy golfers na sina Miguel Tabuena at Angelo Que mula sa hindi kagandahang kampanya ngayong taong ito sa pamamagitan ng pagsali sa $1,000,000 Asian Golf Tour - Hongkong Open sa par-70 na palaruan ng Hongkong Golf Club sa Lungsod ng Fanling simula Enero 9 hanggang 12, 2020.
Bagamat wala silang napanalunang kompetisyon sa nagdaang 12 buwan, nakapasok sa torneo si Tabuena bilang bahagi ng mga golfers na nasa Cat 4 Tournament Winners habang si Que ay parte ng mga parbusters na nasa Cat 10 Top 20 Cumulative Career Money Earnings. Si Tabuena ay pang-258 sa world ranking habang si Que ay nasa pang-340 na puwesto
Hindi nakasikwat ng kahit isang korona ang dating Philippine Open champion na si Tabuena pero tatlong beses napabilang sa top 10 finishers. Naabot niya ang pang-5 posisyon sa Sarawak Championships kung saan tumanggap ng papremyong USD 12,300. Sumegunda ang Pinoy sa Mercuries Taiwan Masters at nagbulsa ng gantimpalang USD 72,000. Noong 2016, pumangalawa rin si Tabuena sa paligsahang ito sa Taiwan habang taong 2011 nang siya ay makapuwesto sa pang-4 na baytang.
Samantala, sa katatapos na Thailand Masters na minsan na niyang pinagharian nang ito ay kilala pa sa bansag na Queen’s Cup (2018), nakuha nito ang pampitong baytang na may kaakibat na pabuyang USD 11,687. Lima sa mga bakbakang sinalihan niya ay “missed cut” ang naging rekord matapos na mag-empake nang maaga kahit hindi pa tapos ang kompetisyon. Sa Thailand Open, nasadlak siya sa pang-14 posisyon habang sa Yeangder TPC, nasa pang 17 si Tabuena. Sa mga nakalipas na edisyon ng Yeangder, dalawang beses na ring naging runner-up si Tabuena (2014 at 2015) samantalang minsan na itong nakaupo sa pang-5 baytang (2017).
Sa kabilang dako, dalawang beses nang nakapasok sa top 5 si Que sa torneo. Pumanglima siya noong 2013 at naging runner-up ito ng limang taon na ang nakaraan. Matamlay ang kanyang 2019 dahil ni minsan ay hindi man lang siya nakapasok sa top 20 sa mga sinalihan niya. Pang-24 lang si Que sa SMBC Singapore Open at pang-25 siya sa Maybank Championships. Sa kabila nito, nakakuha siya ng pabuyang USD 8,720 at USD 29,400 sa dalawang paligsahan ayon sa pagkakasunod-sunod.
Ang susunod na torneo pagkatapos ng Hongkong golfest ay papalo sa Serapong Course ng Sentosa Golf Club (SMBC Singapore Open, Enero 17-20, 2020).





Comments