20 simpleng kahilingan sa PHL sports sa 2020 part 1
- A. Servinio
- Dec 29, 2019
- 2 min read

Pinakamalaki nang balitang Sports ng 2019 ang nahakot na 149 na ginto ng Pilipinas mula sa 30th Southeast Asian Games. Kasunod nito ay sana ay maipagkaloob ang 10 simpleng hiling para sa palakasan ng Pilipinas ngayong 2020.
Pagkatapos ng 96 na taon na paglahok sa Olympics, panahon na para makamit ang pinakaunang ginto sa Tokyo 2020. Ngayon palang, sina 2016 Rio silver medallist Hidilyn Diaz ng Weightlifting at mga boksingero ang may pinakamalaking pagkakataon na dapat bantayan sa maaring dumating na sorpresa sa Japan.
Maayos na 2020 Asian Swimming Championship sa Nobyembre sa New Clark City. Aminin nating maliit ang pag-asa ng Pilipinas na maka-ginto kontra sa mga higante ng Japan at Tsina at pati na rin sa Singapore pero may malaking tulong ang paglalaro sa homecourt tulad ng ipinakita noong SEAG.
Malaking gastos ang pagpapatayo at pag-aayos ng mga pasilidad sa SEAG. Alagaan na lang ang mga pasilidad at ipagamit sa mga liga ng kolehiyo gaya ng NCAA, UAAP at NAASCU.
Ipinakita rin noong SEAG ang pagkakaisa, maganda ang resulta. Ito na sana ang wakas ng mga hindi pagkakaintindihan ng mga opisyal ng palakasan.
Sa mga liga ng kolehiyo, ituloy nila ang pagtuklas ng mga talento na magbibigay karangalan sa paaralan at sa bansa. Mag-aaral muna, pangalawa ang pagiging atleta. Itigil na rin sana ang patakaran ng ilang mayamang paaralan na humakot ng sobra-sobrang atleta at itinatago na lang ito sa kanilang mga reserba. Palaganapin ang mga positibong pagpapahalaga o values sa mga mag-aaral at iwasan ang motto na gagawin ang lahat para lang manalo.
Manatiling kampeon sina Jerwin Ancajas at John Riel Casimero at maging undisputed champion pa sa kanilang mga timbang. Kailangan ng Philippine Boxing ng mga bagong idolo. Kampeonato para sa Philippine Malditas sa 2020 AFF Women’s Championship. Maraming maliit na tagumpay ang naiipon ng mga kababaihang futbolista dapat masuklian na ang kanilang pagsikap.
Mas pinalakas na ika-4 na taon ng Philippines Football League kasama ang tulong ng Qatar Airways bilang pangunahing sponsor. Ito na ang panahon para ipakita sa mundo na buhay na buhay ang Football sa Pilipinas at kayang mapuno ang mga palaruan.
Tuloy-tuloy ang tagumpay ng Ceres Negros at Kaya Iloilo sa mga laban nila sa ibang bansa. Ipakita nila ang kalidad ng mga lokal na koponan na hindi nalalayo sa mga mas matandang koponan ng ating mga kapitbahay na bansa.
Magkaisa ang mga liga ng Volleyball na Premier Volleyball League at Philippine Super Liga para sa ikabubuti ng pambansang koponan ng kababaihan. Ang Volleyball ay nagtatamasa ng labis na kasikatan pero hindi ito natumbasan ng medalya sa SEA Games.





Comments