Lahat na lang ng bilihin tumaas, suweldo napag-iwanan na!
- Editoryal
- Dec 28, 2019
- 1 min read
Bukod sa inaasahang epekto ng dagdag-buwis sa petrolyo na nakasaklaw sa Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law, namumuro rin ang dagdag-presyo sa nasabing produkto at maging sa petroleum gas (LPG) sa pagpasok ng taong 2020.
Ang nasabing dagdag-presyo ay dahil sa pagbabago ng fuel ng mga barkong nagpapadala ng langis. Imbes na bunker fuel ang gagamitin, hahaluan na rin umano ng diesel ang langis na ginagamit ng mga barkong nagde-deliver ng imported na langis sa world market.
Kaugnay nito, nasa P1.68 kada litro ang inaasahang dagdag-presyo sa diesel, P1.12 naman sa gasolina at kerosene. Tinataya namang aabot sa P8 kada kilo ang dagdag-presyo sa LPG.
Bagama’t tuloy na tuloy na, agad namang nilinaw ng gobyerno na hindi ito magsasabay dahil may mga lumang stock pa ng langis ang mga kumpanya. ‘Yan ang dapat nating bantayan.
Kapag tumaas ang presyo ng gas, tataas din ang presyo ng pamasahe, bilihin at ganundin ang serbisyo — domino effect.
At habang nangyayari ang kaliwa’t kanang pagtaas, kumusta naman ang suweldo? Nakakasabay din ba? ‘Yun lang! Ang benepisyo, naibibigay naman ba nang patas? Sana all!
Ang pinakahuli at pinakamahalagang tanong, may trabaho pa ba next year ang mga manggagawang patapos na ang kontrata? Daanin sa dasal!
Sa totoo lang, tanggap na ng publiko kung magtaas man ng pasahe, bilihin o serbisyo dahil sa non-stop oil price hike. Nauunawaan na natin na sila rin ay may pamilyang binubuhay.
Pero, ang patuloy na panawagan lalo na ng mga kontraktuwal at sumasahod nang mababa sa minimum, sana, sila rin ay maunawaan ng gobyerno, mga kapitalista at negosyante.
‘Yun ang masaklap, eh, kahit patuloy kang lumalaban, patuloy ka pa ring napag-iiwanan.





Comments