Iba’t ibang paniniwala ng mga bansa sa pagsalubong sa Bagong Taon
- Justine Daguno
- Dec 28, 2019
- 2 min read

Tulad ng Pasko, exciting din ang selebrasyon ng pagsalubong sa Bagong Taon. Bawat isa ay may kani-kanyang paraan ng paghahanda at paniniwala sa okasyong ito.
Alam n’yo ba na bawat bansa ay may kani-kanyang paniniwala tuwing sasapit ang Bagong Taon?
Narito ang ilan sa mga kilalang tradisyon na hanggang ngayon ay sinusunod at isinasagawa pa rin:
1. SPAIN. Sa Espanya, kaugalian nilang kumain ng 12 ubas — isa sa bawat pitik ng orasan pagsapit ng hatinggabi sa bisperas ng Bagong Taon. Ang bawat ubas ay kumakatawan sa ‘good luck’ sa darating na taon.
Sa malalaking mga lungsod tulad ng Madrid at Barcelona, ang mga tao ay nagtitipon sa main squares upang doon kumain ng kanilang mga ubas habang pinaiikot sa lahat ang kanilang tradisyunal na wine na kung tawagin ay cava.
2. PANAMA. Upang mapalayas ang mga bad spirits o anumang kamalasan sa Bagong Taon, bahagi ng tradisyon ng mga taga-Panama ang magsunog ng effigies (muñecos) ng mga kilalang tao tulad ng mga artista at pulitiko. Ang mga effigies ay kumakatawan sa masamang bagay na nangyari sa iiwanang taon.
3. DENMARK. Sinasalubong ng mga Danes (residente ng Denmark) ang Bagong Taon sa pamamagitan ng paghahagis o pagbabasag ng mga lumang plato at baso sa pintuan ng kanilang bahay, gayundin, sa pintuan ng bahay ng kanilang kaibigan o malalapit na kakilala. Ito ay dahil sa paniniwalang mapapalayas ng gawaing ito ang masasamang espiritu.
4. PHILIPPINES. Kung tradisyon din lang ang pag-uusapan, hindi patatalo ang mga Pinoy d’yan! Kilala tayo sa paghahanda ng mga bilog na bagay, partikular ang prutas. Ito ay dahil sa paniniwalang ang ‘bilog’ ay simbolo ng suwerte.
Samantala, eksaktong alas-12:00 ng hatinggabi, kailangang sama-samang pagsaluhan ng pamilya ang kanilang mga inihandang putahe nang sa gayun ay solid ang pamilya hanggang sa susunod na taon.
5. BRAZIL. Sa Brazil, gayundin sa iba pang bansa sa Central at South America countries tulad ng Ecuador, Bolivia at Venezuela, naniniwala silang may hatid na suwerte ang pagsusuot ng ‘espesyal na underwear’ sa pagsalubong ng Bagong Taon.
Ang pinaka-popular ay pula kung saan ito raw ay maghahatid ng pag-ibig sa anumang aspeto at dilaw naman ang maghahatid ng biyaya o kaperahan.
Magkakaiba man ang paraan ng pagsalubong sa Bagong Taon ng bawat nasyon, nawa’y mapuno ng pag-asa ang pananaw natin sa buhay, gayundin magkaroon ng masagana at makabuluhang taon ang bawat isa.




Comments