Hindi swak sa GF na playgirl kahit todo-pilit makipagbalikan, no more second chance
Dear Maestro, Nagkahiwalay kami ng girlfriend ko kasi may textmate pa siya bukod sa akin at sa pagkakaalam ko ay FB friends din sila dahil palagi silang nagla-like sa post ng isa’t isa.
Pero sabi niya, kaibigan lang niya ang nasabing lalaki. Nang magkahiwalay kami, ngayon ko lang nalaman na hindi ko pala kayang mawala siya lalo na at magba-Bagong Taon kaya balak ko nang makipagbati sa kanya.
Itatanong ko lang kung may pag-asa pa kayang mabuo ang relasyon namin kahit hindi na niya sinasagot ang mga text at tawag ko at naka-block ako sa FB niya?
Hindi na kaya niya ako mahal? August 17, 1992 ang birthday ng girlfriend ko habang April 30,1992 naman ang birthday ko.
Umaasa, Jomar ng Minuyan, Norzagaray, Bulacan
Dear Jomar, Hindi compatible ang zodiac sign mong Taurus sa zodiac sign na Leo ng girlfriend mo kaya malabo na kayong magkabalikan pa kahit ipagpilitan mo pa ang iyong sarili sa kanya sapagkat tulad ng nasabi na, fling o panandaliang relasyon lang ang palaging namamagitan sa may zodiac signs na Taurus at Leo.
Gayundin, nagkataon na ang birth date mong 30 (ang 30 ay 3+0=3) ay hindi tugma sa birth date na 17 o 8 (ang 17 ay 1+7=8) ng ex-girlfriend mo. Ibig sabihin, ang pag-aanalisang Astro-Numerology ang nagkumpirma na malabo o sadyang hindi na kayo magkakabalikan at maaari ring hindi kayo itinakda sa isa’t isa.
Mas makabubuting ibuhos o ibaling mo na lang ang iyong panahon at resources sa ibang babae, partikular silang mga isinilang sa zodiac signs na Virgo, Capricorn, Libra, Scorpio at kapwa mo Taurus, higit lalo silang may mga birth date na 6, 15, 24, 9, 18, 27, 3, 12, 21 at 30, sa piling ng ganyang klaseng mga babae, may pangako ng maligaya at panghabambuhay na relasyon.
Upang lalo kang suwertehin sa susunod na panliligaw at pakikipagrelasyon, palagi mong isuot ang mapalad mong kulay na asul at pula. Sa nasabing mga kulay, lalong magniningning ang iyong awra na hihigop ng mas marami pang magagandang kapalaran, hindi lamang sa pag-ibig kundi sa lahat ng aspeto ng iyong buhay.
Habang, ayon sa iyong Love Calendar, kapag ganap mo nang pinalaya ang sarili mo sa nakaraang pakikipagrelasyon sa ex-girlfriend mong may zodiac sign na Leo at lubusan mo nang nakalimutan ang nakaraan, sa 2020 sa edad mong 28 pataas, magkakaroon ka na ng bago at mas tapat na girlfriend na siyang panghabambuhay mo nang makakasama at magpapaligaya sa iyo, hatid ng babaeng nagtataglay ng zodiac sign na Virgo.




Comments