Payag ka, besh? P50 per night sa hotel pero pinapanood bawat galaw
- Jersey Sanchez
- Dec 26, 2019
- 2 min read

Para sa karamihan sa atin, ang paghahanap ng murang hotel o matutuluyan ang challenge kapag nagta-travel kaya minsan, ‘yung iba ay dedma na sa hindi masyadong magandang service, makahanap lang ng murang matutuluyan. Kung dito sa Pilipinas, maraming budget hotels na nagkalat, meron din nito sa Japan, pero may kapalit. Hmmm…
Mayroon nang marerentahan na kuwarto sa isang hotel sa Japan na nagkakahalagang $1 o P50 per night, pero tulad ng sinasabi ng karamihan, ang malaking discount ay may kaakibat na bagay. Ano kaya ito?
Sa halagang $1.20 per night, puwedeng-puwede kayong makarenta ng kuwarto sa Business Ryokan Asahi sa Fukuoka sa Japan, lalo na kung medyo nagtitipid ang turista at kung hindi sila conscious sa privacy. Pero bago makapagbook ng kuwarto, kailangan mong pumayag na i-live-stream sa kanilang YouTube channel ang iyong buong pananatili sa naturang hotel.
Ang ‘deal’ na ito ay maaaring ma-avail, araw-araw, kabilang ang weekends at holidays, gayundin, lahat ay puwdeng sumubok sa offer na ito.
Sa unang tingin, parang oks lang naman ito dahil napakalaki ng matitipid ng magrerenta, pero kung ‘off’ o hindi mo bet ang kanilang pakulo, mabuting huwag na lang mag-avail.
Gayunman, napalilibutan ng mga camera ang maliit na kuwarto kung saan walang maitatago ang occupant, ngunit wala itong microphone. Ang kawalan ng audio coverage ay sinadya upang maiwasan ang copyright infringement complaints mula sa mga music na maririnig mula sa TV, gayundin, hindi maririnig ang usapan at hilik ng mga nasa kuwarto. He-he-he!
Kapag nasa Japan ka at kailangan mo ng budget hotel at dedma ka naman sa privacy, go ka na rito, pero kung hindi mo kering mapanood ng madlang pipol habang natutulog o nagpapahinga ka sa kuwarto, pass na lang. Ikaw, besh, kakayanin mo ba?





Comments