Bagong iidolohing Young Azkals ng PFL, abangan sa New Year 2020

Photo: dugoutph
Matutunghayan na ang mga susunod na bituin ng Pinoy Football sa pagsabak ng Young Azkals sa bagong taon ng Philippines Football League (PFL) sa 2020.
Nais ng koponan na ipagpatuloy ang kanilang magandang ipinakita sa nakaraang 30th Southeast Asian Games kung saan muntik na sila makabalik sa semifinals pagkatapos ng 28 taon.
Ang mga Young Azkals na nakakontrata sa mga club sa ibayong dagat ay papalitan ng mga mahusay na manlalaro ng UAAP at NCAA. Si Coach Goran Milojevic ang hahawak sa koponan.
Anim na iba pang koponan ang lalahok sa pangunguna ng 2019 PFL Champion at PFL Copa Paulino Alcantara Champion Ceres Negros.
Hahamunin ang Busmen ng Kaya Iloilo, Stallion Laguna, Mendiola 1991, Green Archers United at Philippine Air Force.
Matatandaan na lumahok ang Young Azkals sa PFL Copa Paulino Alcantara bilang paghanda sa SEA Games. Inaasahan na ipapahiram muna ng mga koponan ang kanilang mga batang manlalaro na mapipili para sa pambansang koponan.
Magandang balita ang dumating sa kasunduan ng Qatar Airways bilang major sponsor ng PFL sa susunod na tatlong taon. Inaasahan na sa Marso sisipa ang aksyon.
Bago ang PFL, sisikapin ng Ceres na makapasok sa prestihiyosong AFC Champions League at ang unang hakbang ay ang tapatan nila ng Shan United ng Myanmar sa Enero 14 sa Rizal Memorial Stadium.
Kung magwawagi, susunod na lalakbay sila sa Thailand para harapin ang Port FC sa Enero 21 at kung papalarin muli ay sa Japan ang tuloy nila sa Enero 28 kontra FC Tokyo para makapasok sa torneo at harapin ang mga higante ng Asya.
Lalahok din ang Ceres at Kaya sa AFC Cup simula Pebrero, Ang Busmen ay nabunot sa Grupo G kasama ang Than Quang Ninh ng Vietnam, Bali United ng Indonesia at isang koponan galing Laos o Cambodia habang nasa Group H ang Kaya kontra Tampines Rovers ng Singapore, Shan at isang koponan galing Indonesia o Timor Leste.





Comments