top of page
Machong Chismisan - YT.jpg

Nagbabalak nang magpakasal, hindi pa sure kung compatible, motif, gustong ibase sa masuwerte nilang

Maestro Honorio Ong
Dec 22, 2019
2 min read

Dear Maestro, Isinilang ako noong September 14, 1993 at may girlfriend ako na isinilang noong June 17, 1992. Sa pagkakaalam ko, hindi kami compatible dahil Virgo ako at Gemini naman siya.

Pero almost two years na ang aming relasyon at nagbabalak na kaming magpakasal sa 2020.

Itatanong ko lang kung kahit kaya hindi kami compatible, magiging maligaya at maunlad ang papasukin naming pag-aasawa?

Kung magiging maganda, kailan kami puwedeng magpakasal? Anong buwan at petsa ang suwerte sa amin para magpakasal at ano ang magandang motif o kulay sa araw ng aming kasal?

Umaasa, Darius ng Buna Cerca, Indang, Cavite

Dear Darius, Mali ang iniisip mong hindi kayo compatible ng girlfriend mo dahil ang katotohanan ay compatible kayo dahil ang Gemini at Virgo ay may iisang ruling planet at ito ay ang planetang Mercury.

Ibig sabihin, sa Western at Oriental Astrology, hindi kayo compatible, ngunit sa Depth Astrology o malalimang pagsusuri ng mga planetang umiiral at umiimpluwensiya sa inyong zodiac signs, tunay ngang compatible ang Virgo at Gemini dahil sila ay may iisang ruling planet.

Nagkataon ding sa Numerology, ang birth date mong 14 o 5 (ang 14 ay 1+4=5) ay tugma sa birth date na 17 o 8 (1+7=8) ng girlfriend mo kung saan ang numerong 5 at 8 ay ideal na magsama, lalo na sa pagnenegosyo at sa aspetong pangkabuhayan.

Kaya kapag kayo ang nagkatuluyan, tiyak ang magaganap, mapauunlad n'yo ang aspetong pampinansiyal sa itatayo n'yong pamilya at dahil compatible rin kayo sa Depth Astrology, nakatakda ring maging matagumpay at maligaya ang inyong relasyon habambuhay na mapupuno rin ng mga paglalakbay, pangangalakal at maraming-maraming pera.

Samantala, kung sa 2020 o 2021 kayo magpapakasal, ituon ang nasabing kasal sa suwerte n'yong buwan ng Mayo hanggang Oktubre sa mga petsang 5, 14, 23, 7, 16, 25, 1, 10, 19 at 28.

Siguraduhin lamang na sa petsang inyong pipiliin, papalaki at papabilog ang buwan sa kalangitan upang habang kayo ay nagsasama, papalaki at papabulas din ang inyong pag-unlad at panghabambuhay na pagmamahalan.

Mapalad namang motif ng kasal ang berde, pula, white at silver at puwede rin ang dilaw, habang ang metallic blue o asul na kumikislap-kislap at nagkukulay metal ay magiging masuwerte rin kung ito ang gagamiting opisyal na kulay ng inyong kasal.

Sundin n’yo lang ang mga rekomendasyong inilahad sa itaas upang matiyak na ang bubuuin n'yong pamilya ay aani ng mabunga, mabiyaya at maligayang pagmamahalan habambuhay.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page