top of page
SHEET - CLAUDINE, NAPIKON NA TINAWAG NA BIPOLAR, MAGDEDEMANDA_FB Claudine Barretto.jpeg

Mga pasahero na biyaheng probinsiya, siguraduhing safe

Editoryal
Dec 22, 2019
2 min read

Nagsimula nang dumagsa sa mga bus terminal ang mga pasaherong pauwi sa probinsiya para sa pagdiriwang ng Pasko at Bagong Taon.

Tulad ng taun-taong panawagan lalo na sa mga drayber, maging responsable at tiyaking ligtas na maihahatid ang bawat pasahero sa kanilang destinasyon.

At para matiyak na walang pasaway na makalulusot, kailangan ng matinding effort mula sa ating mga awtoridad.

Nararapat na mas higpitan ng Metro Manila Development Authority (MMDA) at Land Transportation, Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang pagpapatupad ng batas.

Tiyakin na masinsinan ang ginagawang pag-iinspeksiyon mula sa mga drayber at konduktor hanggang sa mga bus na ibibiyahe.

Bawal na bawal ang drayber na nakainom lalo na ang nakadroga. Kung ito ang idadahilan n’yo para hindi antukin habang nagmamaneho, huwag na kayong bumiyahe! Huwag na kayong mandamay ng mga inosenteng tao.

Epektib pa rin ang biglaang drug testing at kung posible lang sana, ‘pag nagpositibo, bawi-lisensiya agad! Alam naman natin ang mga matitigas ang ulo, hindi natatakot hangga’t walang nakikitang nasasampulan.

Siguruhin ding nasa pinakamaayos na kondisyon ang mga bus na lalarga. ‘Pag sinabing kondisyon, ang kabuuan mula sa maliliit na bahagi ng sasakyan hanggang sa makina. Dapat may inilaang sapat na panahon d’yan para matsek bago ibiyahe.

Gayunman, hindi lang mga bus ang pinaaalalahanan kundi maging ang mga barko.

Meron ding mga nasasangkot sa trahedya, minsan, kahit wala namang sama ng panahon o bagyo ay may mga lumulubog. Ang dahilan, sobra-sobrang pasahero na pinapayagang bumiyahe kahit bawal. Ang masaklap, wala sa listahan ang ibang pasahero at saka magtuturuan.

Matuto na sana tayo sa mga nangyayari. Marami pang Pasko at Bagong Taon na puwedeng dumaan pero, ang buhay ay iisa lang. Para sa mga pampasaherong sasakyan, ang hindi pagsunod sa isang patakaran o batas, maraming buhay ang nakataya.

Huwag pasaway

 
 
 

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page