top of page
BULGARY - SEN. ROBIN, MAY P150 M AMBAG SA PHIL. FILM HERITAGE, BUILDING ‘DI PA RIN NATAPOS

Istorya ng mag-asawang tumanda na pero hindi magkaanak, inspirasyon sa bagong henerasyon

  • Fr. Robert Reyes
  • Dec 22, 2019
  • 3 min read

Nasa kalagitnaan na tayo ng Misa de Gallo. Sa bawat araw ng ating Simbang Gabi, may isang tauhan sa kasaysayan ng kaligtasan na natatampok.

Noong Miyerkules, tampok si San Jose, asawa ni Maria at ang amahin, ama sa lupa ng Panginoong HesuKristo. Samantala, noong Huwebes, tampok sa Ebanghelyo ang mag-asawang Zacharias at Elizabeth.

Matanda na ang mag-asawa pero nananatili silang tapat at madasaling Hudyo. Tulad ng karaniwang mag-asawa, pinangarap nilang magkaroon ng anak pero hindi sila nabiyayaan hanggang sa inabutan na sila ng pagtanda at kung magkaanak man ay milagro na lang.

Napili si Zacharias bilang saserdoteng mag-aalay ng kamangyan sa dambana.

At habang siya’y nasa loob nito, dumating ang isang anghel, si Gabriel. Sa umpisa ay natakot si Zacharias nang makita nito ang anghel. Nagsalita ang anghel at ibinigay ang napakagandang balita na sila ay magkakaanak na.

Hindi agad siya naniwala at nasabi niyang paano ito mangyayari gayung matanda na sila? Tinugon ito ng anghel, “Dahil hindi ka nagtiwala sa Diyos, mapipipi ka hanggang sa hindi nagaganap ang lahat.” Natagalan ng paglabas si Zacharias at sa paglabas nito, nagulat ang mga tao na hindi na siya makapagsalita.

Umuwi si Zacharias sa kanilang tahanan at hindi nagtagal ay nagbuntis ang kanyang asawa. Gayunman, nanatili nang limang buwan na hindi umaalis ng bahay si Elizabeth at nagpuri ito, “Ngayo’y nilingap ako ng Diyos at inahon ako sa aking kadustahan.”

Sa ating Misa de Gallo noong Huwebes, kapansin-pansin na ang ating

Simbahan ay punumpuno ng mga parukyano, partikular ang kabataan. Pero ang nakakuha ng aking atensiyon ay isang matandang ginang.

Hindi natin alam ang kanyang pangalan, pero nakatutuwang palagi natin siyang nakikita hindi lamang sa ganitong okasyon kundi sa bawat Linggo.

Pinagpala ng Diyos si lola ng isang mahabang buhay na hanggang ngayon ay nagbibigay-inspirasyon at pag-asa sa mga tao na nakakakita sa kanya at kabilang na tayo sa mga ito.

Napakaraming tao sa mundo at sa bawat lipunan na marahil nahihirapan nang hanapin at pakinggan ang banal at mahiwagang tinig ng Diyos. Tila pare-pareho at paulit-ulit na lamang ang takbo ng buhay. At ibinigay sa atin ngayon ang magandang halimbawa ng buhay nina Zacharias at Elizabeth, mga magulang ng dakilang propetang si Juan Bautista.

Tumatagal at lumalapit na sa katapusan ang buhay ng dalawa, ngunit, dumating ang sunud-sunod na pambubulabog ng Diyos sa kanila. Ang mensahe ng Diyos — ang takot, pagdududa, pagkapipi, paglipas ng panahon ngunit, sa kabila nito, hindi nawala ang kanilang pananalig at pagmamahal, gayundin ang katuparan sa pangako ng Diyos.

Nawa’y ang lahat sa atin ay matutunan kung paano magpahalaga sa mga nakatatanda. Sa ganitong gawain, pinahahalagahan din natin at pinararangalan ang ating buhay. Isa ito sa mga maganda at mahiwagang regalo ng Pasko.

Darating ang mga hindi inaasahang pangyayari na magbubukas sa ating mga mata, isip, puso at kaluluwa. Darating ang mga pangyayaring nakakatakot na sa halip na maniwala ay magdududa tayo sa iba at sa Diyos mismo.

At dahil sa ating mahinang pananalig, tayo ay susubukan (tulad ni Zacharias na napipi) hanggang sa malinaw at mahinahon nating tanggapin at unawain ang maganda at mahiwagang kalooban ng Diyos.

Sa pagdating ng sandaling ito, matututo tayong magpasalamat at magbigay-puri sa Diyos na bukal ng lahat ng kabutihan at walang ibang nais kundi ipagkaloob ang pinakamimithi ng lahat na kaganapan ng buhay, ang buhay na walang hanggan.

Hanapin natin sina Zacharias at Elizabeth sa ating pamilya at pamayanan.

Kasama nila, tayo ay manalangin, magpasalamat at magbigay-puri sa Diyos na makapangyarihan, dakila, hiwaga at puno ng sorpresa.

Maligayang Pasko sa ating lahat

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page