top of page
WINNER - DEREK- ‘DI AKO NAGDA-DRIVE NG CAR NA MAY FAKE PLATES_IG _ramseyderek07.jpeg

Tamad maligo si mister, sobrang demanding si misis, away nang away kahit bagong kasal, habambuhay pa

  • Maestro Honorio Ong
  • Dec 19, 2019
  • 4 min read

Dear Maestro, Sabi mo, compatible ang Libra at Aquarius dahil pareho silang air type sign, pero bakit ganu’n, bagong kasal kami at wala pang isang taon nagsasama, pero marami na agad kaming mga bagay na hindi pinagkakasunduan at madalas na kaming mag-away?

Nakakahiya mang sabihin, ang Aquarius pala ay hindi araw-araw naliligo, tapos minsan lang siyang maligo sa isang linggo. Samantalang, kapag maalinsangan ang panahon, naliligo ako sa umaga at gabi bago matulog.

Hindi ko alam kung nagtitipid siya ng tubig o talagang hindi niya hilig maligo araw-araw.

Ang isa pang napansin ko, napakatahimik niya at kung hindi ko siya kakausapin ay hindi siya nagse-share sa akin ng kanyang mga problema o mga nangyayari sa office nila.

Napakaseryoso niya ring tao, hindi tulad noong nililigawan pa niya ako, medyo may pagka-comedy ang dating niya kahit may pagkabaduy at madalas magpatawa, kahit hindi naman nakakatawa.

Sa totoo lang, ‘yung mga pagpapatawa niyang ‘yun ang isa sa mga nagustuhan ko sa kanya. Gayundin, hindi siya mahilig sa artista o entertainment, pero sobrang hilig niya sa basketball. Hindi rin siya mahilig sa baboy, samantalang ‘yun ang hilig kong ulam, kaya sa pagpili pa lang ng ulam ay nagtatalo at nagkakagalit na kami.

Hindi rin siya masyadong showy pagdating sa feelings, pero pagdating sa sex, kakaiba talaga siya at minsan ay hindi ko masakyan.

Maestro, sa palagay mo, magtatagal kaya ang relasyon namin na sa tingin ko ay mas maraming incompatibility o hindi pagkakasundo kaysa sa compatibility? October 13, 1992 ang birthday ko habang siya naman ay February 16, 1989.

Umaasa, Kayla ng Damayang Lagi, SFDM, Quezon City

Dear Kayla, Compatible kayo ng mister mo dahil ang birth date mong 13 o 4 (ang 13 ay 1+3=4) ay siya ring number ng mga Aquarius. Bukod sa pagiging Aquarius nila, lapitin sila ng mga numerong 4 at 8 kaya na-magnet mo siya, lalo na kung ikaw ay babaeng medyo chubby, sexy at maganda.

Samantala, lumalabas ang hindi n'yo pagkakasundo dahil isip-bata ka pa at ‘yan din ang isa sa mga katangian ng mga Aquarius. Kumbaga, hindi n’yo napapansin na kayo ay may pagka-demanding. Ibig sabihin, kahit Libra ang zodiac sign mo, may pagka-Aquarius ang personality mo na lihim niyang nagustuhan sa iyo.

‘Yang bagay na ‘yan ang nagustuhan sa iyo ng mister mo. Kumbaga, kakaibang babae ka at sa lahat ng naging girlfriends niya, iba ka sa lahat.

Ganu’n ka rin sa kanya, hindi mo lang masabi na sa lahat ng naging boyfriends mo, siya ang pinaka-weird at kakaiba. Unconsciously, ‘yung mga incompatibilities n'yo ang nagpapatibay sa inyong pagmamahalan.

Hindi mo lang alam, parang may nakikita ka sa kanya na hindi mo maipaliwanag sa kabila ng mga negatibong katangian niyang pinapansin mo ngayon. Parang ang palaging sinasabi ng unconscious self mo, “Bakit kaya ganito ang taong ito, pero ewan ko ba kung bakit mahal ko pa rin siya?”

Ganundin siya sa iyo, sa kabila ng pagka-demanding mo, na halos nanay na ang turing niya sa iyo dahil ang dami mong ipinababago sa kanyang personal na buhay, hindi rin niya maipaliwanag kung bakit mahal na mahal ka pa rin niya.

‘Yan ang hiwaga ng pag-ibig at compatibility. At dahil bagong kasal pa lang kayo, unti-unti n’yong matutuklasan ang mas malalim at marami pang hiwaga ng inyong pagkatao at habang tinutuklas n'yo ang malalim na sisidlan ng inyong personalidad, ito ang lalong magpapalalim at magpapatibay ng inyong pagmamahalan.

Sa totoo lang, sa 12 zodiac signs, ang mga Aquarius ang pinaka-abnormal na nilalang at ‘yun ang mister mo. ‘Wag kang matuwa, dahil sa siyam na numero, mula 1 hanggang 9, ang mga taong isinilang sa petsang 4, 13, 22 at 31, tulad mo ay hindi rin gaanong normal na nilalang.

Ibig sabihin, pareho kayong may pagka-weird. Oo, kapwa kayo espesyal at pambihirang nilalang at dahil iba sa lahat ang inyong relasyon at pagmamahalan, tuluy-tuloy na iinog ang mundo, iikot nang iikot ang kamay ng orasan bawat araw, patuloy n'yong tutuklasin nang may tuwa at pagtataka ang hiwaga ng inyong personalidad hanggang sa tumanda na kayo ay hindi pa rin naghihiwalay.

At habang lumalaon, tulad ng biskotsong tinapay, lalong titigas at sasarap ang inyong pagmamahalan na parang harina at asukal na idinarang sa mainit na pugon, hindi na magkakahiwalay ang binuo n’yong relasyon habambuhay.

Dahil ang totoo nito, natagpuan mo na ang anino mo sa kanya habang siya naman ay natagpuan na ang anino niya sa iyo.

Ito ang tinatawag na “shadow” kung ang psychologist na si Carl Jung ang magsasalita. Ang shadow na ito ay palagi mong kasama, pero naaasar at naiinis ka sa kanya. Samantalang, si shadow mo na kumakatawan sa iyong mister ay naguguluhan din sa iyo, pero kahit anong iwas at tanggi, kahit ano pa ang gawin n’yo sa isa’t isa, hindi n’yo magagawang makipaghiwalay.

Dahil tulad ng nabanggit na, ang inyong anino at panloob na pagkatao ay itinakda sa isa’t isa bago pa kayo isinilang upang magsama habambuhay.

Dahil dito, ang sumatutal, hindi na mawawala ang mga bagay na iniisip mo sa kanya na negative, pero hinihiling mo lang na baguhin niya at hindi niya ‘yun babaguhin. Samantalang, ikaw naman ay pinag-iisipan din niya ng mga negatibong katangian na alam naman niyang ang mga negatibong katangian mong ito ang nagustuhan niya sa iyo.

Habang nagkakaganu’n kayong dalawa, patuloy na gugulong ang inyong relasyon na sadyang mahiwaga, ngunit dahil noon pa man ay itinakda na kayo ng tadhana na habambuhay kayong magsasama.

Hanggang sa matuklasan ninyo ang lihim ng inyong masaya at kakaibang relasyon na minsang ipinaliwanag ng Greek philosopher na si Aristotle libu-libong taon na ang nakararaan, “Love is composed of a single soul inhabiting two bodies.”

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page