Sunod sa yapak niya… Coco, itinutulak ni Sen. Lito na pasukin ang pulitika

May nilulutong malaking project sina Sen. Lito Lapid at Sen. Manny Pacquiao para sa movie industry na pagsasamahan ng malalaking action stars ng bansa tulad nina Sen. Bong Revilla, Jr., Coco Martin, Phillip Salvador, Robin Padilla, Senate President Tito Sotto at marami pang iba.
Mala-The Expendables daw ang gagawin nila na ipo-produce ni Pacman at ang kikitain ay ibibigay nila sa movie industry.
Nang makatsikahan namin sa Christmas/thanksgiving lunch with the entertainment press last Monday si Sen. Lito, sinabi niyang si Coco ang gusto niya magdirek nito, pero nailang ang aktor since mga veteran stars ang karamihan sa cast.
Sa ngayon ay plano at uupuan pa lang nila ito at wala pa ring istorya. Pero ang first step ay tinanong na nila ang mga artista kung on-board ba sila at sina Coco at Sen. Bong pa lang ang nag-commit.
Sey din ni Sen. Lito, “Kinakausap ko sila isa-isa. Sabi, nabalitaan ko, si Robin, payag na.”
Ang magiging problema lang dito ay billing, pero sabi ni Sen. Lito, dapat ay hindi na maging issue ito at gawin na lang in alphabetical order para hindi magkaroon ng selosan.
‘Pag nagkataon, tiyak na maraming leading ladies ang kakailanganin dahil siyempre, tig-iisa sila.
Nang matanong nga si Sen. Lito kung sino ang gusto niyang maging leading lady, nabanggit niya si Angel Aquino na nakapareha niya sa FPJ’s Ang Probinsyano.
Samantala, ngayong mabangung-mabango na naman ang political career ng senador, malaki ang pasasalamat niya kay Coco dahil napakalaking tulong daw ang napasama siya sa serye nito.
Noong second term niya as senator in 2010 ay hindi na siya kilala ng mga bata. Pero simula nang mapanood siya sa FPJAP ay nakilala na siya ng mga millennial bilang si “Pinuno”.
Naikuwento rin niya na ayaw na niyang mag-artista noon pero pinuntahan siya ni Coco at kinausap nang personal, gayundin ang anak niyang si Mark Lapid.
Ang sabi nga raw ni Coco sa kanya ay 2 weeks na lang at magtatapos na ang book 1 ng FPJAP. Dapat ay closing lang sila ni Mark, pero ang 2 weeks ay nadagdagan nang nadagdagan hanggang naging 2 years.
Sabi naman ni Mark Lapid na kasama rin niya sa event, “Kaya ho naging close kami kasi siyempre, parang magkakapatid na, parang anak na niya (ni Sen. Lapid). Sa tagal naming nagsasama, kilala na namin ang bawat isa, kilala niya kami, kilala namin siya, hindi bilang magkatrabaho kundi totoong tao.”
Gusto ni Sen. Lito na pasukin ni Coco ang pulitika pero taliwas ito sa opinyon ni Mark.
Sey ni Mark kay Coco, “‘Okay ka na riyan, ‘wag mo nang pasukin, maraming ways para makatulong.”





Comments