Pang-aabuso sa mga OFW, wakasan, ahensiyang tututok ang kailangan
- BULGAR

- Dec 18, 2019
- 1 min read
Namumuro nang maaprubahan ang panukalang pagkakaroon ng hiwalay o sariling departamento para sa mga overseas Filipino worker (OFW).
Ito ay matapos makalusot sa House Committee on Appropriations ang budgetary requirement na gagamitin para sa pagtatatag ng Department of Filipinos Overseas and Foreign Workers.
Napag-alaman na P5 bilyon ang kakailanganing budget para sa bagong departamento na kukunin mula sa kasalukuyang pondo ng mga ahensiya na mapasasailalim dito. Kabilang ang Office of Migrant Workers Affairs, Commission on Filipino Overseas, Philippine Labor Offices, International Affairs Bureau, Philippine Overseas Employment Administration (POEA) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).
Hindi maitatangging malaki ang ambag ng mga OFW sa ating ekonomiya at maaaring isang paraan na rin ito para maibalik sa kanila ang pasasalamat sa pamamagitan ng pagbuo ng isang ahensiya na tututok sa kanilang mga pangangailangan.
At lalo na sa mga nabibiktima ng pang-aabuso. Isa sa mga pinakamahirap na sitwasyon ay ‘yung hirap makahingi ng saklolo ang kanilang pamilya na nasa bansa.
May pagkakataon na kung saan-saang ahensiya sila lumalapit at maraming oras ang nasasayang.
Kung magkakaroon ng departamento at naroon na ang lahat ng tulong na puwedeng maibigay mula sa pag-a-apply hanggang sa pagbabalik-bansa ay napakalaking kaginhawahan.
Higit sa lahat, matitigil na ang illegal recruitment. Hindi na makakaporma ang mga sindikato.
Panahon na para mabigyan din ng halaga ang ating mga kababayang nagsasakripisyo sa malayo alang-alang sa pamilya at sa magandang kinabukasan bilang ambag sa ating maayos at maunlad na bayan.





Comments