Alam mo ba ‘yun, besh? Ang pinagmulan ng simbang gabi
- Twincle Esquierdo
- Dec 17, 2019
- 2 min read

Kapag malapit na ang Pasko, isinasagawa ng mga kababayan nating Katoliko at Aglipay ang Simbang Gabi. Naging tradisyon ito sa bansa tuwing malapit na ang Pasko kung saan kailangang magsimba mula Disyembre 16 hanggang 24 at maraming naniniwala na kailangan itong makumpleto para matupad ang anumang kahilingan. Gayunman, kailan at saan nagsimula ang Simbang Gabi?
Dahil naging tradisyon na ito sa bansa, hindi alintana ng mga nagsisimba na gumising nang madaling-araw para makapagsimba at makumpleto ang Simbang Gabi.
Ginagawa nila ito upang ipakita ang kanilang pananampalataya at paghahanda sa kaarawan ng Diyos, gayundin, upang matupad ang kanilang kahilingan.
Inumpisahan ito sa Mexico noong 1587 nang payagan ng Santo Papa ang paring si Diego de Soria na magdaos ng misa sa labas ng Simbahan upang mas maraming makarinig ng salita ng Diyos, gayundin, upang mapagbigyan ang mga tao na gustong makinig ng misang panggabi.
Nang dumating sa bansa ang mga misyunerong Kastila noong ika-16 siglo, ipinakilala nila ang nobena at misa kung saan natuklasan ng mga misyunero na hindi nakapagsisimba at nakadadalo sa misa sa umaga ang mga katutubo dahil palagi silang nasa bukid para magtrabaho.
Dahil dito, nagpasya ang mga ito na gawin ang misa sa madaling-araw at dito nakilala ang Misa de Gallo.
Sa paglipas ng panahon, ang Simbang Gabi ay naging bahagi na ng tradisyon at kultura ng mga Pilipino upang maipakita ang pagkakakilanlan ng bansa na dapat pangalagaan.
Gayundin, ang Simbang Gabi ay isang gawain ng pagpapakasakit, pag-ibig at debosyon kaya upang makumpleto ito, kailangan ng lakas at sakripisyo tulad ng paggising nang maaga para magsimba kahit marami pang gagawin sa buong araw.
Pagkatapos ng misa, nakaugalian na rin nating kumain ng mga kakanin tulad ng puto bumbong at bibingka, mainit na tsokolate o pandesal at kape pagkatapos.
Ayan mga bro at sis, alam na ninyo kung kailan at saan nagsimula ang Simbang Gabi. Kung iisipin natin, ang ganda ng dahilan kung bakit nagkaroon nito noong unang panahon dahil ginagawa ito upang mas maraming makaranig ng salita ng Diyos.
Oh, ‘di ba? Ayos!
Comments