top of page
Machong Chismisan - YT.jpg

DTI, inutil sa mga pasaway na online sellers

Writer: BULGAR
BULGAR
Dec 16, 2019
2 min read

Sa halip na maipit sa matinding trapik at makipagsiksikan sa mall at iba pang pamilihan, marami ngayon ang mas pinipiling mag-online shopping na lang.

Tipong isang click lang, nakapamili ka na ng panregalo ngayong Kapaskuhan.

Ang problema, kailangan nating itaya ang ating tiwala. Unang-una, darating ba sa inaasahang oras ang in-order na produkto? Baka tapos na ang Pasko at Bagong Taon, wala pa rin?

Pangalawa, tama ba ang maide-deliver? Ang sakit sa ulo na paulit-ulit mong binasa lahat ng detalye tungkol sa item, pero nang dumating ay ibang-iba, napakalayo sa katotohanan!

Ang ending, sayang ang oras, effort at nainis ka pa.

Kaugnay nito, ayon sa Department of Trade and Industry (DTI), dumarami na ang reklamong natatanggap nila laban sa mga pasaway na online sellers lalo na ‘pag may mga pa-sale na talagang dinudumog ng mga buyers.

May mga nagagalit umano dahil sa bagsak na kalidad ng ipinadalang produkto. Kung hindi sira o kulang-kulang, mali ang mismong item at ang iba ay overpricing sa delivery fee.

Ang tanong, kung ganitong dumarami na pala ang mga nagtiwala, pinaasa at ginalit ng ilang online sellers, anong hakbang kaya ang ginagawa ng ahensiya laban sa kanila?

Hindi naman siguro puwede na puro imbestigasyon na lang. Paano naman ang mga naagrabiyado?

Mula nang mamayagpag ang online shopping, marami nang buyers ang natuto. Sinusuri nang mabuti ang mga produktong naka-post bago orderin, sa abot ng makakaya ay inaalam ang reputasyon ng seller sa pamamagitan ng reviews o feedback at kung anu-ano pang pag-iingat para hindi maloko.

Pero, hanggang ngayon, may mga sablay pa ring deliveries. Dapat na sigurong may masampulan sa hanay ng mga pabayang sellers upang maitama ang mali para hindi na pamarisan.

 
 
 

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page