Manila water at Maynilad, palpak na, todo-hirit pa ng taas-singil, abuso na ‘to!
- Bobi Tiglao
- Dec 9, 2019
- 3 min read
Ganid, sinungaling at makasarili — ganyan natin maisasalarawan ang dalawang malalaking kumpanya ng patubig sa Pilipinas.
Ang kapal ng mukha ng dalawang kumpanyang ito para idemanda ang gobyerno sa banyagang korte para makakamkam ng bilyones na dapat daw ay sa kanila.
Hindi raw sila pinayagan ng gobyerno na magtaas-singil mula pa noong panahon ni dating Pangulong Benigno Simeon Aquino III, kaya ngayon, ang sinisingil nila ay si Pangulong Rodrigo Duterte.
Nalugi raw sila noong 2014 hanggang 2018 dahil dito. Kasinungalingan, hindi sila nalugi, bagkus ay kumita pa sila nang bilyun-bilyon!
Nabasa natin ang mga financial reports ng isa sa mga kumpanyang ito kung saan nakasaad na ang kanilang net income mula noong 2014 hanggang 2018 ay tumataginting na P25 bilyon! Tubong-lugaw ito dahil ang tubig ay galing sa Angat Dam sa Norzagaray, Bulacan.
Isa pa, sa kaparehong taon kung saan sinasabi nilang lugi sila, diumano’y namigay sila sa kanilang mga stockholders ng regalong “dividends” na nagkakahalagang P7 bilyon.
Kung totoong nalugi, bakit sila namimigay ng pera sa mga stockholders? Niloloko ba nila ang kanilang mga kostumer?
Ang nakakainis, hindi maganda ang kanilang serbisyo, madalas ay walang supply ng tubig sa iba’t ibang lugar na kanilang nasasakupan, tapos may gana pa silang magtaas-singil? Aba, matindi!
Hindi nakapagtatakang nagalit si P-Duterte nang nalaman niyang sinampahan ang gobyerno ng kaso sa Singapore Arbitration Court. At siyempre, may laban sila dahil malakas ang mga Ayala (may-ari ng isa sa mga kumpanya) sa Singapore dahil ka-partner nila sa telecom business ang Singapore Telecommunications Ltd..
Alam n’yo ba na malaki ang kinikita ng Singtel o Globe Telecom sa mga Pinoy?
Hindi napapansin na napakalaki ng kinikita ng mga water concessionaires na ito sa bansa, tapos gusto pa nilang singilin ang mga kostumer nila ng dagdag na P7.4 bilyon? Hindi lang ito kasakiman, kundi katrayduran din sa bayan.
Samantala, ang kuwento naman sa kabilang kubo na pag-aari ng Indonesian na si Anthoni Salim, ayon sa Konstitusyon, hindi maaaring magmay-ari ang banyaga ng public utility pero walang b-y-g ang mga taga-Senado kaya walang umaangal. Tsk!
Ipinagsisigawan nilang nalulugi raw sila, pero sa aktuwal ay kumamkam sila ng bilyun-bilyong tubo mula sa bulsa ng ating mga kababayan!
Sa totoo lang, ang tinatamaan nang husto sa pagkaganid ng dalawang kumpanya ng patubig ay ang mga mahihirap. Hirap na sa buhay, papatungan pa nila ang presyo ng tubig?
Maganda ang kontrata na ibinigay sa kanila ng gobyerno, tapos babastusin nila ito sa pagdemanda sa korte sa ibang bansa?
Alam ba ninyong monopolya ang dalawang kumpanyang ito? Ibig sabihin, wala silang kalaban sa negosyo sapagkat ang dalawa ay may sariling concession area.
Karapatan ng mga tao na magkaroon ng maganda at maayos na supply ng tubig dahil ito ay basic need. Sa maraming bansa sa mundo, ang may-ari ng patubig ay walang iba kundi ang estado o gobyerno.
Kung gobyerno sana ang may-ari ng water distribution business, hindi ito magtataas-singil sapagkat ang gobyerno ay hindi “profit-oriented” na hindi tulad ng mga pribadong kumpanya na kita ang palaging hinahabol at dibidendo para sa kanilang stockholder.
Ang masaklap pa, sa laki ng kinikita ng dalawang kumpanya ay hindi man lamang nila maayos ang kanilang sistema sa pag-distribute ng tubig sa Metro Manila at karatig-lugar.
Saan napupunta ang net profit nila? Siyempre, sa naglalakihang pitaka ng pamilya Ayala, sina Jaime at Fernando Zobel de Ayala.





Comments