Walang kupas, GM Torre, gold; Bronze ang 9 ball doubles

Photo: foxsportsph
Matapos ang pangungulimlim sa rapid chess gayundin sa fischer random chess, muling nagliwanag ang medal board ng Pilipinas dahil sa nakuha nitong isang ginto at isang pilak na mga medalya sa problem-solving chess event ng 30th Southeast Asian Games na idinaos sa Travellers’ Hotel ng Subic.
Nagtulong-tulong sina Grandmaster Eugene Torre, GM Darwin Laylo at International Master Paulo Bersamina upang daigin ang lahat ng nagtangka sa trono at maiposte ang pangalawang ginto ng bansa sa ahedres. Ito na ang pangalawang gold medal ng Pilipinas sa SEAG chess. Nauna rito, nangibabaw si IM Jan Emmanuel Garcia sa online chess. Pumangalawa ang Vietnam sa men’s problem-solving chess para makuntento sa silver habang sa Thailand napunta ang tanso.
Ang unang pilak ng Pilipinas ay nagmula kina Woman Grandmaster Janelle Mae Frayna, Women International Master Catherine Secopito at Woman FIDE Master Shaina Mae Mendoza dahil sa pagsampa nila sa pangalawang baytang sa women’s problem-solving chess. Vietnam ang nanguna rito at Indonesia ang nakahablot ng bronze medal.
Susulong pa ang mga chessers ng bansa sa blitz at sa standard chess. Medyo mabigat ang oposisyon sa standard chess pero maganda ang tsansa para sa paspasang ahedres.





Comments