Gilas men/women, golds vs. Thailand sa SEAG 3x3

Photo: Gmanetwork
Gaya ng inaasahan, inangkin ng Gilas Pilipinas men’s at women’s squads ang dalawang gold medal kahapon sa pagtatapos ng 30th Southeast Asian Games 3x3 competition sa FilOil Flying V Center.
Ginapi ng Gilas Pilipinas men’s team ang Indonesia, 21-9, sa finals upang maiuwi ang unang gold medal ng event na ngayon lang nilaro sa biennial games.
Umiskor ng 10 puntos si CJ Perez upang pamunuan ang nasabing panalo ng Gilas na kumumpleto sa tournament sweep.
Dahil sa panalo, nakumpleto din nila ang golden double sa event matapos manaig ng Gilas women’s squad kontra Thailand.
Nauna rito, muling pinataob ng Gilas quartet ang Thailand sa semifinals upang maitakda ang pagtutuos nila ng mga Indons sa gold medal round.
Samantala, nagsumikap nang husto si dating National University standout at National team member Afril Bernardino upang dalhin ang Gilas Pilipinas women’s team sa rurok ng tagumpay matapos payukuin ang Thailand, 17-13 para sa 3x3 women’s basketball championship sa The Arena sa San Juan City.
Kumamada si Bernardino ng 10 puntos para sa winner-take-all na tinulungan nina Jack Animam, Janine Pontejos at Clarke Castro para magantihan ang Thai squads na nagbigay sa kanila ng nag-iisang talo sa pamamagitan ng 20-22.
Sa pagkakataon ito ay siniguro ng Pinay ballers na makukuha nila ang panalo.
Walang nakapigil sa mainit na laro ni Bernardino nang kumana ng 9-10 puntos sa kalamangan ng Pilipinas sa 16-6.
Ngunit, hindi nagpadaig ang Thai ballers nang magsalpak ang mga ito ng limang sunod na puntos para tapyasin ang kalamangan sa 16-11 lead bago patibayin ni Bernardino ang kalamangan sa 6 sa 17-11 sa nalalabing 1:34 ng laro.
Napunta ang bronze medal sa koponan ng Malaysia nang dominahin ang bansang Vietnam, 21-7.





Comments