Dagdag-buwis sa paggamit ng plastic, may pondo na, bawas-basura pa
- Editoryal
- Dec 3, 2019
- 2 min read
Sinalubong ng bagyo ang Disyembre.
Kung hahataw si ‘Tisoy’, tiyak na lulubog na naman ang ilang lugar. At tulad ng dati, isa sa mga dahilan ay basura. Tone-toneladang basura ang bumabara sa mga estero at waterways. Kaya sa halip na tuluy-tuloy ang tubig ay naiipon at nagiging mabagal ang pagdaloy papunta sa mga ilog.
Kung susuriin kung anong uri ng mga basura ang sanhi ng pagbaha ay mga plastik — mula sa malalaki hanggang sa maliliit. Kung hindi mga sirang gamit ay mga pinagbalatan ng iba’t ibang produkto. Bagama’t, napakatagal na itong problema, hanggang ngayon ay hindi pa rin nasosolb nang tuluyan. Sadyang marami pa rin ang pasaway.
Kaya ngayon ay sinusubukan nang daanin sa batas ang problema. Isang panukala ang isinusulong upang mapatawan ng buwis ang mga produktong disposable o single-use plastic. Layon nitong mahikayat ang mga Pinoy na tigilan na ang paggamit ng single-use plastics na labis na umanong nakasisira sa kapaligiran.
Sa ilalim ng panukala, madaragdagan ng 10-sentimong buwis ang bawat sando plastic bag. Ang nakikita natin ditong problema ay tiyak na papalag ang industriya na apektado nito. Nauunawaan natin na may mga manggagawa na talagang matatamaan. Kaya malaking hamon sa ating gobyerno kung paano mapapangalagaan ang ating kapaligiran nang hindi malalagay sa alanganin ang ibang bagay.
Siguro, puwedeng magpatupad ng total ban sa single-use plastics. Ito ‘yung
mga sachet ng shampoo, toothpaste, creams, soaps, crackers, nuts at iba pang foodstuffs. Habang buwisan naman ang mga reusable plastic at ang pondong malilikom ay gamitin naman sa pagsalba sa ating kalikasan. Bumuo rin ng mga programa na magpapaigting ng mga kampanya kontra plastik.
Patunayan natin na nagpapataw tayo ng buwis hindi para may maibulsa kundi upang may magamit para sa ikabubuti ng lahat.
Samantala, puwede namang ituloy ang ‘tingi culture’ sa buhay nating mga Pinoy lalo na at may mga mamimili na hindi kayang bumili nang maramihan, pero gawin natin ito sa ibang paraan. Alisin ang mga plastic sachet at gumamit ng mga lagayan na puwedeng magamit nang pangmatagalan at paulit-ulit.
Kung hindi natin ito gagawin ngayon, pare-pareho tayong malulunod sa baha at basura.





Comments