top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

Ang lihim sa 28 taong matatag na pamamayagpag ng Bulgar

  • Jersey Sanchez, Justine Daguno, Twincle Esquierdo
  • Dec 2, 2019
  • 11 min read

Dalawampu’t walong taon na tayo, mga ka-Bulgar!

Sa kabila ng pagiging no. 1 tabloid sa bansa, hindi natin maitatanggi na dumaan tayo sa iba’t ibang hamon na sumubok sa ating katatagan. At bilang tapat sa inyo, nais naming ibahagi sa espesyal na isyung ito ang panayam sa mismong publisher at ilang matatagal nang empleyado hinggil sa kanilang mga karanasan sa kumpanya na naging dahilan ng pagiging mas matatag nito sa paglipas ng panahon.

1. Maxim Ryan B. Sison, Publisher Bilang publisher, naniniwala si Mr. Ryan Sison na integridad, kredibilidad at pagtanggap sa pagkakamali ang pinakamahalaga sa kumpanya — at taglay ng Bulgar ang mga nabanggit na katangian kaya ito nananatiling no. 1 sa print media. Sa pag-unlad ng online industry, humina ang print kaya hindi umano maitatanggi na naapektuhan nito ang kumpanya. At dahil dito, challenge para sa kanya bilang publisher kung paano magagamit ang online industry upang tumaas ang print sales, sa halip na kalabanin ito.

Habang palakas nang palakas ang online industry, nagbabago ang henerasyon ng mga nagbabasa dahil ang makabagong henerasyon o kabataan ay mas sanay sa gadget at internet. Kahit nananatiling malakas ang online industry, nais niya itong gamitin upang mapalakas ang print sales, gayundin, upang mahikayat ang taumbayan na magbasa ng diyaryo dahil siguradong hindi ‘fake news’ ang impormasyon na makukuha nila rito.

Bagama’t, may mga pagkakataong sinusubok ang pahayagan at hindi naiiwasang magkamali sa nailalathalang mga artikulo, patuloy na ginagampanan ng Bulgar ang tungkuling makapaghatid ng tamang balita kaya buong pagpapakumbabang tinatanggap ng pahayagan ang pagkakamali kasabay ang pagwawasto rito.

Pagtatapat ni G. Sison, hindi lang ang pagpapanatiling no. 1 ng pahayagan ang naging hamon dahil nakaranas din ng paper crisis at pagharap sa mga isinampang kaso. Pero sa kabila ng mga ito, nakaahon ang kumpanya dahil sa pagiging positibo at tiwala sa Diyos. At pagdating sa paglalabas ng mga balita, walang kinakampihan ang Bulgar.

Aniya, “Everybody is welcome na mai-air out o ma-print ‘yung side nila, wala tayong kinakampihan.” Dagdag pa niya, nananatiling no. 1 ang Bulgar dahil sa pag-iingat sa integridad at kredibilidad na ipinagkatiwala ng mga mambabasa.

Naninindigan din siya na kabilang sa mga dahilan ng pagiging mas matatag ng kumpanya ay ang pagsunod sa mission at vision na mula sa kanyang mga magulang at patuloy na nagiging gabay ng Bulgar.

Sa pagiging publisher sa loob ng walong taon, nais niyang ibahagi sa mambabasa na kahit nasa itaas, huwag kalimutang magpakumbaba, manatili sa katotohanan at panatilihin ang malinis na imahe.

Naharap man sa iba’t ibang pagsubok, nanatiling matatag ang Bulgar dahil sa pagiging positibo, pagdarasal at paniniwala na tama ang ginagawa ng kumpanya. At ayon sa aming publisher, anuman ang mangyari, ipagpapatuloy nito ang legacy na nasimulan ng Bulgar at aniya,”Kahit anong mangyari, we won’t quit and we will stay sa print.”

2. Edgardo Mateo, General Manager NOOng 2006 nang magsimulang magtrabaho si Mr. Edgardo Mateo bilang general manager ng Bulgar na no. 1 newspaper na nang mga panahong ‘yun.

Inilarawan niya ang opisina ng Bulgar na tila bahay lang at iba pa ang proseso ng paggawa ng diyaryo. Kuwento niya, mga makalumang makina pa ang gamit noon sa pagpi-print ng diyaryo kaya mas matagal at mas magastos ang proseso. At kasabay ng pag-unlad ng teknolohiya, nasaksihan niya ang pagbabago at paglago ng kumpanya.

Isa sa mga pagsubok na pinagdaanan ng Bulgar ang stock ng newsprint o papel na ginagamit sa paggawa ng diyaryo dahil para itong gas na tumataas ang presyo kada linggo kaya kinailangan nilang maghanap ng ibang supplier para makabili sa mas murang halaga.

Kuwento niya, mayroon nang tatlong suppliers ngayon ng newsprint ang Bulgar kaya naging mas madali ang pagbili nito dahil napagkukumpara nila ang mga presyo sa bawat supplier. Nang nalaman nila na mahihirapan sila sa newsprint, nag-stock sila nito at dahil hindi pa malaki ang espasyo ng kumpanya, kinailangan pang magrenta ng warehouse para mapaglagyan ng mga newsprint.

Nang tanungin namin kung ano ang nakikita niyang pagsubok sa kumpanya, sinabi nito na kailangang makipagsabayan ng Bulgar sa internet dahil sa panahon ngayon, ito ang takbuhan ng mga tao na gustong maging updated sa pamamagitan ng cellphone at iba pang gadgets. Naniniwala rin siya na walang kinikilingan ang Bulgar kaya nananatili itong matatag at numero-uno sa bansa. Gayundin, ibinibigay ng Bulgar kung ano ang pasok sa panlasa ng masa at hindi nagpapahuli sa mga isyu.

Ipinagtapat niya rin na mahigpit nilang mino-monitor ang sales ng diyaryo para malaman kung pumapatok ito sa mambabasa dahil kung hindi, inaalam agad nila ang dahilan nito para maibigay ang gusto ng publiko. Para kay Mr. Mateo, nag-iba man ang panahon, mananatiling no. 1 ang Bulgar kung patuloy nitong gagawin ang mga nakasanayan ng kumpanya.

3. Nympha Miano-Ang, Sports Editor Isa si Ms. Nympha Miano-Ang, Sports editor sa mga pinakamatagal nang nagbibigay ng magandang serbisyo sa Bulgar at kung iisipin natin, marami na siyang naging karanasan at naiambag dito para maging matatag ang kumpanya, gayundin ang kanyang sarili.

Para sa kanya, naging pagsubok ang gustong pagpapaalis ng mga bagong empleyado sa mga naunang tulad nila dahil gustong pumalit sa kanilang posisyon. Bilang pioneer sa kumpanya, masakit para sa kanya na basta sila ng aalisin dahil pinaghirapan nilang buoin ang pahayagan.

Sa loob ng matagal na panahon sa kumpanya, hanggang ngayon ay ginagawa niya ang lahat ng kanyang makakaya para maibigay ang gusto ng mambabasa. Kuwento niya, nagsimula siyang magsulat ng feature articles na talagang kinagiliwan ng mga sumusubaybay sa Bulgar.

Aniya, nakakataba ng puso ang magagandang feedback ng mga mambabasa at nang mabanggit ng isang sikat na TV broadcaster ang kanyang artikulo ay tuwang-tuwa siya at lalong pinahalagahan at minahal ang pagsusulat.

At kasabay nito, hindi niya binigyang-pansin ang mga taong naninira sa kanya, bagkus, ito ang naging dahilan para magpursige at magpatuloy siya sa paggawa ng lathalain para sa masang Pinoy.

Samantala, pagdarasal, pagpapakatatag sa mga pagkakamali at pagharap sa mga hamon ang natutunan niya sa kumpanya. Dagdag pa niya, hahabaan pa niya ang kanyang pasensiya sa pangangalap ng isusulat, pag-aaral ng mga trending topics at palalawakin ang kanyang imahinasyon para sa mambabasa.

Ang maipapayo niya sa mga gustong pasukin ang pagsusulat tulad niya, maging mapagkumbaba anuman ang narating at maging responsable sa nilalaman ng isinusulat kung ito ay pasok sa pulso ng masa at higit sa lahat, ibahagi ang nalalaman at karanasan sa mga susunod na henerasyon.

4. Liz Imperial, Sales Marketing Director Nang pumasok sa kumpanya si Ms. Liz Imperial, Sales Marketing director, no. 1 na ang Bulgar sa industriya at naging hamon umano para sa kanya ang pagpapanatili ng ranking nito. Aniya, “There’s no way to go, it’s either bababa ka o isu-sustain mo ito. So, the challenge at that time was to sustain our leadership in the industry.”

Naniniwala siya na ang pagiging no. 1 ng Bulgar ay dahil sa competence at dedikasyon ng mga empleyado at ‘yun ay dahil na rin sa hindi mapantayang work attitude ng mga nakatataas.

Kuwento niya, “Sobrang hands-on ng aming CEO na si Ma’am Leonida “Nida” Sison kung saan halos araw-araw itong nasa opisina. She’s here everyday. She’s in charge of everything. She’s on the top of every situation and na-imbibe ng mga empleyado ang ganitong work attitude.”

Ikalawang dahilan ay ang mataas na kalidad ng diyaryo at ang pagsisikap na maibigay sa mambabasa hindi lang ang kanilang gusto, kundi pati ang dapat nilang malaman.

Para rin sa kanya, balewala ang magandang diyaryo kung hindi maayos ang pagpapalakad ng kumpanya — dahil ang hindi maayos na pagpapalakad ay kadalasang nagiging dahilan ng pagbagsak nito. Aniya, “A quality product must always be accompanied by sound operations management.”

Bagama’t, aminadong nakararanas ng problema o mga pagsubok, nalalampasan ito sa pamamagitan ng pagtanggap sa problema bilang challenge. At kahit nagkakaroon ng iba’t ibang estratehiya ang mga kakumpitensiya sa industriya, nananatiling matatag ang Bulgar dahil sa halip na magpokus sa mga competitors, itinutuon nito ang atensiyon sa mga bagay na makatutulong sa kumpanya. “Don’t think much of your competitors kasi kung doon ka magdu-dwell, masisira ka. It is okay to benchmark, pero dapat mag-focus ka sa sarili mo, lalo na sa mga kakulangan mo,” saad pa niya.

Pagdating naman sa pagbigay ng serbisyo sa mga advertisers, naniniwala si Ms. Imperial na close-client relationship ang isa sa mga sikreto kung bakit nananatili ang mga kliyente sa Bulgar. Sinisiguro ng Bulgar na naibibigay nito ang quality service sa mga kliyente.

Sa walong taon niya sa kumpanya, nais ibahagi ni Ms. Imperial sa mambabasa na walang imposible kapag may determinasyon at pagmamahal sa trabaho. “Magagawa mo lahat with persistence. You must also love your craft, because no task is considered hard as long as you have the passion and drive to do it,” aniya.

Dagdag pa niya, nagtagal siya sa kumpanya dahil mahal niya ang kanyang trabaho at naniniwala siya na ang pagpapanatili ng magaan na awra nito ay mahalaga dahil ito ay nagri-reflect sa produkto na ibinibigay sa pamilyang Pilipino.

5. Josephine Posadas, Accounting/Purchasing Manager BAHAGI na ng anumang trabaho ang pagkakaroon ng problema at bawat isa ay may kani-kanyang karanasan sa ganitong sitwasyon. Sa loob ng 14 years, masasabi ni Josephine Posadas, Accounting/Purchasing manager ng pahayagang Bulgar, na marami siyang hinarap o pinagdaanang pagsubok tulad na lamang noong halos nag-uumpisa pa lang siya sa trabaho ay mayroon siyang nadiskubreng problema na may kinalaman sa pera.

Noong 2006 umano nang mangyari ito at sa puntong ‘yun, hindi niya alam kung ano ang mangyayari sa buhay niya bilang bagong empleyado pa lang siya sa kumpanya.

Hindi niya akalaing sa dami at tagal ng ibang empleyado, siya pa ang makakaalam nito. Gayunman, sa kanila umanong mga heads ipina-handle ang nasabing problema.

Bagama’t, hindi madali dahil sensitibo itong problema, hindi siya nagpatinag at tinatagan niya ang kanyang loob hanggang sa hindi nagtagal ay nasolusyunan din ito.

Para sa kanya, “Bilang kapatid ng may-ari, kailangan ‘yung posisyon, ‘yung pagiging head, pinaninindigan, pinangangalagaan at sa lahat ng oras, dapat, buo ang loob mo na harapin ang bawat suliranin. Gayundin, ikaw ‘yung magsisilbing halimbawa sa mga empleyado mo. Magtrabaho tayo nang magtrabaho, pero dapat, kasabay nito ay tama ang mga ginagawa mo para ‘yun din ang kanilang gagawin.”

Dagdag pa niya sa naranasang pagsubok sa kanyang trabaho, “Sa totoo lang, bagama’t, nakakadismaya, maganda na nalalaman ang ganitong mga uri ng problema dahil sa puntong ito natin tunay na masusubok ang katapatan ng empleyado, hindi lamang sa kanyang trabaho kundi pinakamahalaga ay sa kumpanya.”

Payo niya, kapag may nalamang problema ang empleyadong tulad niya, hindi dapat manahimik. Kung may alam sa nangyayaring katiwalian, isiwalat ito para sa ikabubuti ng kumpanya. Huwag hayaang pangunahan ng takot sa pagsasabi ng tama at totoo dahil hindi nito masosolusyunan ang anumang problema. Tulad nga ng sinabi ni Abraham Lincoln, “It often requires more courage to dare to do right than to fear do wrong.”

6. Alicia Labuguin, Senior Layout Artist NANINIWALA si Ms. Alicia Labuguin, senior layout artist, na mahalaga ang pagiging propesyonal sa anumang uri ng trabaho. Sa loob ng 22 years nito sa kanyang larangan, isa sa mga pagsubok na pinagdaanan niya ay nang magkaroon siya ng hindi magandang relasyon sa isa sa kanyang mga katrabaho.

Nagkaroon ng pagkakataon kung saan isa siya sa mga muntik nang matanggal sa trabaho dahil sa pansariling interes ng taong kanyang nakaalitan.

Bukod sa “hao siao” o bogus ito, balak umano nitong alisin ang mga naunang empleyado ng BULGAR at palitan ng mga tauhan mula sa pinanggalingan nitong kumpanya.

Isang linggo umano siyang nasuspinde, ngunit ang pakiramdam niya ay “forever” na. Sobrang hirap nito para sa kanya dahil bukod sa may pamilya, mahalaga sa kanya ang kanyang trabaho. Maituturing niya umanong isa ito sa mga dagok ng kanyang buhay na hindi niya malilimutan.

Bukod sa “hao siao” o bogus ito, balak umano nitong alisin ang mga naunang empleyado ng BULGAR at palitan ng mga tauhan mula sa pinanggalingan nitong kumpanya.

Pero sa kabutihang-palad, nalaman agad ng may-ari ng kumpanya ang hindi magandang sistema at binabalak ng nasabing empleyado. Kaya naman, matapos ang ilang imbestigasyon at napatunayan ang kabulastugan nito, sinibak agad ang nasabing tao. Nagpapasalamat siya dahil kung hindi agad ito natuklasan, malamang ay maraming empleyado ang mawawalan ng trabaho.

Sa ngayon, patuloy si Alice a.k.a. Tita A. (tawag sa kanya ng mga kaopisina) sa kanyang trabaho kung saan kahit pa “senior citizen” o dapat ay retired na siya, aktibo pa rin siya sa kanyang ginagawa bilang layout artist. Para sa kanya, bilang mahigit dalawang dekada na siya sa trabaho, hindi maitatanggi na maraming tukso sa paligid — totoong susubukin ka nito para bumigay ka, pero hindi tayo dapat magpatalo sa mga ito. “Dapat sa trabaho, propesyonal lang tayo. Huwag maging mukhang pera, tulad nu’ng malagyan lang, kakalimutan mo na ‘yung tama at marangal na gawain,” mensahe ni Tita A. na dapat isaisip ng lahat.

7. LIZA BIÑEGAS-MADEJA, CASHIER

SA dalawampu’t anim na taong pagtatrabaho ni Liza BiñegasMadeja, dedikasyon ng mga empleyado ang nakikita niyang dahilan ng pagiging matatag ng BULGAR.Tandang-tanda pa niya ang panahong iisa lang ang typewriter ng kumpanya kaya kinakailangang pumila ng mga reporters para mai-type ang kanilang mga balita.

Kahit may iba’t ibang beat ang mga reporters, hindi alintana ng mga ito ang biyahe para makapunta sa opisina at makapagpasa ng mga balitang nakalap. Habang nagsisimula ang BULGAR, naging hamon ang pagpapakilala nito sa masa kaya nagpursige ang mga empleyado na makahanap ng ahente upang makabenta. Dagdag pa niya, ang labanan ng mga tabloids nang mga panahong ‘yun ay mga sexual content at mga sexy pictures.

Habang nakikilala ang BULGAR at nakaabot sa iba’t ibang probinsiya, ipinagbawal aniya sa ibang lugar ang mga diyaryo na may sexual content at nagkaroon ng dalawang versions ang BULGAR. Paliwanag niya, mayroong ‘BULGAR one-star’ at ‘BULGAR twostar’ kung saan ang one star ang may mga sex stories habang ang twostar ay walang sex stories.

Dahil nagkaroon ng dalawang bersiyon, naging doble ang trabaho ng mga empleyado at naniniwala siyang ito ang dahilan kaya naibibigay ang gusto ng mambabasa. “More on dedication, eh, kasi concern ka sa mga readers mo. Hindi lang dahil para kumita o magkaroon ng wide circulation.

“At kung ano ang policy sa lugar na ‘yun, sinusunod natin para maibigay ‘yung gusto ng mga nagbabasa at mareach out sila.” Mula sa dalawang bersiyon, unti-unting binawasan hanggang sa tinanggal ang sex stories sa diyaryo at nanatili sa bagong bersiyon na mas malinis dahil nagsimula itong makilala ng mga mag-aaral. Dagdag pa niya, pumatok pa rin sa masa ang mas malinis na bersiyon dahil naging mas malawak ang market at nabibili ng mga estudyante.

Nagbago man ang panahon at pumatok ang internet, marami pa rin tayong kababayan na walang access dito, kaya naniniwala siya na mananatili sa serbisyo ang BULGAR dahil kapag dumating ang panahong mawala ang internet, babalik sa diyaryo ang mambabasa.

Sa dalawang dekada sa kumpanya, natutunan niya na dedikasyon at pagbibigay ng kung ano ang kailangan ng masa ang mga dahilan ng pananatiling matatag ng BULGAR.

8. ERLINDA CAFINO, LIAISON OFFICER

NOONG magasin pa lamang ang pahayagang BULGAR, nagsimula si Ms. Erlinda Cafino bilang tagatahi o taga-stapler ng mga papel. Pagbabahagi nito, isa sa mga pagsubok na pinagdaanan ng kumpanya ay noong hindi pa gaanong kilala ang kanilang produkto.

Natatandaan niya, noong una ay mahina raw talaga ito, pero sa awa ng Diyos, sa katagalan ay nagclick at tinangkilik din ng mga tao.

Si Tita Linda ay kasalukuyang liaison officer ng ating pahayagan. Ayon sa kanya, may pagkakataon kung saan inutusan siya sa may Binondo, malakas daw ‘yung ulan, tapos ang dami niyang pinamili, pero walang nagsundo sa kanya. Tinawagan siya ng drayber at sinabing, “Tita, hindi ako makapunta d’yan kasi mataas talaga ang baha sa daan.” Abot hanggang dibdib ang baha sa mga daan kaya wala siyang nagawa kundi maghintay na tumila ito. Halos alas-10:00 na ng gabi ay nandu’n pa rin siya, mahigit isang oras siyang naghintay hanggang sa bumaba ang tubig at saka lamang siya nakauwi. Kung meron man siyang natutunan sa loob ng halos tatlong dekada sa trabaho, ito ay dapat maging matiyaga, hangga’t maaari ay ibigay mo ‘yung makakaya mo, saka huwag sumuko o panghinaan ng loob.

Para sa kanya, anuman ang pagdaanan natin sa buhay, simpleng pagka-‘stranded’ man ‘yan dahil sa baha o kahinaan ng negosyo, dapat hindi ito sinusukuan. May pagkakataon na hindi okay ang mga nangyayari, pero hindi naman ‘yun hanggang doon lang. Dagdag pa nito, dapat magkakasundo saka nagtutulungan sa trabaho ang mga empleyado. Maganda ang resulta ng anumang gawain kapag may pagkakaisa o walang pag-aaway-away. Hindi mawawala na minsan ay may tampuhan, pero ang mahalaga ay natatapos din.

‘Ika nga nila, once na nagtrabaho ka, dapat dedicated ka sa ginagawa mo. Ang mga naibahagi nating kuwento ng walang hanggang katatagan ng ilan sa mga empleyado ng ating pahayagang BULGAR ay patunay lamang na anumang suliranin ang dumating sa buhay ng bawat isa, kayang-kaya natin itong malampasan dahil lahat tayo ay may tatag ng loob, tibay ng dibdib at paniniwala na malalampasan ito.

Muli, sa ating ika-28 anibersaryo, hangad po naming lahat na nawa’y hindi matapos ang dahilan natin para sa patuloy na paglaban sa anumang pagsubok na kakaharapin natin ngayon, bukas at sa mga susunod pang pagkakataon.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page