top of page
WINNER - ALEX, INILANTAD NA ANG PAGBUBUNTIS-IG _cathygonzaga.jpg

Tips para maturuan ang mga anak na maging matatag sa buhay

  • Twincle Esquierdo
  • Dec 2, 2019
  • 3 min read

Ang pagiging matatag ay maaaring matutunan, anumang edad o katayuan sa buhay. At dahil dito, habang bata pa ang ating mga anak ay mabuting turuan na sila na maging matatag dahil hindi habambuhay ay nasa tabi ka nila para alalayan o gabayan sila.

Kailangan nilang matuto na maging matatag upang makayanang tumayo sa sarili nilang mga paa sa murang edad.

Anu-ano ba ang mga dapat gawin?

1. TURUAN NA MAKINIG. Turuan siyang makinig sa mga paliwanag mo na makabubuti para sa kanya. Kailangang nasa iyo ang kanyang atensiyon upang hindi lang siya basta makinig kundi upang maunawaan niya rin ang iyong mga paalala at babala sa kanya. Kung hindi niya ito matututunan, walang saysay ang mga sasabihin mo. Kumbaga, pasok sa isang tainga, labas sa kabila.

2. SUPORTAHAN ANG KANYANG PANANAW. Kapag naramdaman niyang nauunawaan mo siya, higit siyang magtitiwala sa iyo. At kapag hindi kayo parehas ng paraan para solusyunan ang mga problema niya, tanungin kung paano ka makatutulong sa kanya. Hayaan mo siyang mag-isip ng paraan kung paano niya malalampasan ang mga hamon na kanyang pinagdaraanan. Iparamdam mo sa kanya na nariyan ka para suportahan at gabayan siya.

3. TANGGAPIN ANG OPINYON NIYA. Makinig tayo kung mayroon man siyang mga plano o paraan para mapagtagumpayan ang kanyang sariling problema. Hindi lang tayo ang dapat magsalita para sa ikabubuti niya dahil mayroon pa rin siyang sariling pag-iisip at siya rin ang kikilos para rito. Iwasan natin ang magsabi ng salitang makapagpapababa ng kanyang confidence dahil hindi ito makatutulong sa kanya.

4. HUBUGIN ANG KANYANG KALAKASAN. Sa ganitong paraan, makikita niyang walang problema na hindi niya kayang lampasan. Higit niyang pagbubutihin ang mga bagay dahil tumataas ang tiwala niya sa kanyang sarili. Makabubuti ito upang maging kalakasan niya ang kanyang kahinaan.

5. MATUTO SA PAGKAKAMALI. Kapag nagkakamali o nabibigo ang iyong anak, huwag kang magsabi ng mga salita na maaaring makasama sa kanya, bagkus, mas mabuti na sabihan siya ng mga salitang makapagpapagaan ng loob niya at muli siyang hikayatin na gawin ang mga bagay na nakapagpalungkot sa kanya noon. Sa ganitong paraan, matututunan niyang gumawa nang tama para mapagtagumpayan kung ano ang nais niyang makamit.

6. PAGBIBIGAY NG RESPONSIBILIDAD. Bigyan siya ng reponsibilidad tulad ng gawaing-bahay. Hindi lang puro payo o pangaral ang dapat nating sabihin sa kanila dahil dapat din silang turuan ng simpleng mga gawain bilang bahagi ng pamilya. Gayundin, mababawasan ang responsibilidad ninyo, naturuan n’yo pa si bagets.

7. TURUAN SILANG MAGDESISYON PARA SA SARILI. Kapag may problema ang ating anak, humihingi sila ng tulong sa atin para masolusyunan ang kanilang problema. Oks lang naman ‘yun, pero kapag palaging ganito ay hindi niya matututunan kung paano magdesisyon nang tama at hihina ang tiwala niya sa kanyang sarili. Mas mabuting makinig at unawain ang kanyang mga sinasabi at ipaisip kung ano ang dapat niyang gawin. Kung sakaling hindi ganu’n kaganda ang kanyang desisyon, puwedeng magbigay ng alternatibong solusyon.

8. PAGTUTURO NG TAMA O PAGDISIPLINA. Tandaan natin na tao pa rin ang anak n’yo na puwedeng magkamali kaya ang paghingi ng tawad nito ay sapat na. Mas okay na pagtuunan ng pansin ang pagtuturo nang tama sa halip na pagpaparusa sa kanyang mga pagkakamali. Mas mabuti na mag-reminisce kung ano ang mga nagawang mali at kung paano niya ito maitatama sa susunod na pagkakataon.

Mommies at daddies, sana mai-apply ninyo ang mga paraang ito para maturuan sina bagets na maging matatag at malakas sa pagharap sa mga problema, lalo na kapag wala na tayo sa tabi nila nang sa gayun ay maging panatag tayo na kaya nilang malampasan ang mga ito.

Okay ba?

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page