top of page
Kris Aquino C.H.I.K.A. - NETFLIX

Proteksiyon laban sa mga lamok,'wag tipirin

  • Bong Revilla
  • Dec 2, 2019
  • 3 min read

Bong Revilla / Anak ng Teteng!

Sa totoo lang, mabigat para sa mga ilaw ng tahanan na siyang nagba-budget ang karagdagang gastusin na nais nating talakayin dahil ito lamang ang nakikita nating paraan para iligtas ang ating mga kaanak.

Alam nating ang pinakamatipid na paraan para makaiwas sa mga sakit ay gawin nating malinis ang ating kapaligiran at huwag nang iasa sa gobyerno na sila pa ang maglinis nito.

Isa sa mga pangunahing sakit na nakamamatay ay ang dengue na nakukuha sa kagat ng lamok na mabilis na dumarami dahil sa mga nakaimbak na tubig sa paligid na hindi nalilinis.

Hindi na kailangan ang paulit-ulit na kagat ng lamok para hawahan tayo ng sakit dahil sa isang kagat lamang ay posible na tayong magkaroon ng sakit tulad ng malaria, typhoid fever at marami pang iba.

Ang lamok din ang dahilan kaya nagdeklara na ng outbreak ang ilang probinsiya dahil sa patuloy na pagtaas ng mga nagkakaroon ng dengue at iba pang sakit dahil sa kagat ng lamok.

Ngayon, heto na naman, noong Nobyembre ay meron tayong Filariasis Awareness Month, batay sa Executive Order No. 369 na nilagdaan noong Oktubre 5, 2004 ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo.

Ang filariasis na mas kilala sa tawag na elephantiasis ay rare condition na ang pinagmumulan din ay lamok. Isa itong sakit na tinatawag na Neglected Tropical Disease (NTD).

Alam n’yo ba na ang NTD ay mga karamdaman na nakaaapekto sa mahigit isang bilyong tao sa iba’t ibang bansa sa buong mundo at ang karaniwang dinarapuan nito ay ang mga nakatira sa tropical climate gaya ng ating bansa?

Elephantiasis kilala ang sakit na ito, ibig sabihin, kung meron ka nito ay kakikitaan ka ng paglobo o paglaki ng iyong mga braso o binti at malaki rin ang posibilidad na maging ang iyong ari mismo at dibdib ay lumaki rin ng higit sa normal nitong sukat.

Kaya ito tinawag na elephantiasis dahil ang apektadong balat ay kakapal at titigas na parang balat ng elepante at bibigat na magiging dahilan para bumagal ang kilos ng pasyente na may ganitong sakit.

Kakaiba ito sa dengue dahil nakukuha ito sa maraming kagat ng lamok at kung ikaw ay nakatira sa lugar na marami ring roundworms at bulate ay may malaki kang tsansa na dapuan ng elephantiasis.

Nagsisimula ito kapag ang lamok na nakakagat sa iyo ay infected ng itlog ng bulate at sa oras na makapasok ito sa iyong bloodstream ay lalaki ito sa iyong lymph system at puwedeng mabuhay ito roon nang kung ilang taon hanggang sa maapektuhan na ang iyong kalusugan at maging elephantiasis na.

Ang masaklap, kahit dinapuan ka na ng filariasis ay hindi mo mararamdaman at hindi nakikita ng pisikal ngunit, kumakalat ito sa buong katawan at kapag tumagal na ay doon pa lamang maglalabasan ang mga sintomas.

Kapag napansin mo na mayroon kang lagnat, panginginig, pananakit ng katawan, panghihina, pamamaga at paglaki ng mga lymph nodes at pagkakaroon ng edema ay makabubuting magtungo na agad sa doktor.

Sa ngayon ay makabubuting siguruhin nating naka-screen ang ating mga bintana at pintuan at palaging may nakahandang insecticide at regular na mag-spray para makaiwas sa sakit na dulot ng lamok.

Magtipid na muna sa ibang luho at unahin ang proteksiyon laban sa lamok, bago mahuli ang lahat. Anak ng Teteng!

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page