top of page
SHEET - CLAUDINE, NAPIKON NA TINAWAG NA BIPOLAR, MAGDEDEMANDA_FB Claudine Barretto.jpeg

Namatay ang ina. nawala sa network. nagmahal pero binash.

Janice DS Navida
Dec 2, 2019
3 min read

Sa ilang dekada nang pamamayagpag sa telebisyon at pelikula ng Comedy Queen na si Ms. Ai Ai delas Alas, hindi na mabilang kung ilang labi na ang pinangiti niya, ilang malungkot na puso na ang pinahalakhak niya at ilang buhay na ang binigyan niya ng kulay dahil sa sayang hatid niya sa kanyang mga tagapanood at tagahanga.

Sabi nga nila, sa pagiging artista, mas madali ang magpaiyak kesa magpatawa. Kaya napakalaking bagay para kay Ai Ai na mapasaya ang maraming tao.

Pero tao lang din siya, artista man, walang kaibahan sa mga ordinaryong tao ang dumarating sa kanyang problema at pagsubok. Nagpapatawa at nagpapaligaya siya, pero siya man ay nalulungkot at umiiyak din.

Bagama’t marami nang pinagdaanan sa personal na buhay ang isang Ai Ai delas Alas at mula nang pasukin niya ang mundo ng showbiz, ang maituturing daw niyang pinakamabibigat na pagsubok sa kanyang buhay na sumubok sa kanyang katatagan ay ang tatlong bagay.

Una, ang pagkamatay ng kanyang biological mom nu’ng Dec. 30, 2013.

Open book sa showbiz na hindi nakasama ni Ai Ai ang kanyang biological mom dahil inampon siya nu’ng bata pa ng ngayon ay kinikilala niyang ina na nagbigay sa kanya ng magandang buhay, pinag-aral siya at minahal na parang tunay na anak.

Bagama’t konting panahon lang ang naibigay kay Ai Ai at sa kanyang tunay na ina para magkasama, malalim at naging makabuluhan ‘yun para sa Comedy Queen.

Hindi pa man tuluyang nakaka-recover sa pagkawala ng kanyang ina, sumunod na dagok naman sa buhay ng Comedy Queen ang pagkawala niya sa kanyang matagal nang home studio na ABS-CBN.

“Oo, nawala ako sa ABS. Magka-level ng sakit (na naramdaman niya sa pagkawala ng ina at ng kanyang mga TV shows), magka-level ng sakit kasi magkasunod ‘yun, eh. Pareho ‘yun, 2014. ‘Yun ang magkakasunod,” kuwento ni Ai Ai.

Ang pangatlong pagsubok na nangyari sa kanya ay mula sa kanyang failed marriage sa unang lalaking pinakasalan na si Jed Salang nu’ng 2013, dumating naman sa buhay niya si Gerald Sibayan noong 2014.

Nu’ng mga panahong ‘yun na ipinakilala sa kanya si Gerald, 20 years old lang ang badminton player habang 49 yrs. old na ang Comedy Queen. Meaning, 29 years ang age gap nila!

Kaya naman, naging malaking isyu sa showbiz nang mapabalitang batambata ang bagong karelasyon ni Ai Ai delas Alas. Hindi ito madaling tinanggap ng marami, lalo na ng mga mapanghusgang bashers sa social media.

Kung anu-anong katawagan ang sinabi kay Ai Ai tulad ng “cradle-snatcher”, “cougar”, “matrona” at marami pang iba na talaga namang ikinasakit ng loob ng Comedy Queen.

Sabi nga niya nang balikan ang pagsisimula nila ni Gerald, “Ah, nu’ng kami ni Gerald, sobra ‘yun. After ‘yun ng heartache ko sa asawa ko (Jed Salang), sobra talaga ‘yun, sobrang pamba-bash ang inabot namin.

“Ang dami ng bashers ko na hindi ko alam kung saan nanggagaling. Na sa akin, parang… ‘Bakit?’ Parang, ‘Nag-boyfriend lang ako, ano ba’ng kasalanang ginawa ko sa inyo?’ ‘Yung ganu’n,” ayon kay Ms. Ai Ai.

Na-depressed ba siya dahil sa nangyari?

Pag-amin niya, “Na-depressed ako sandali, nagbura ‘ko ng social media, pero bumangon ako ulit.”

Ano’ng natutunan niya sa pagbangon niyang ‘yun?

Ani Ai Ai, “Iba na ang panahon ngayon. Uso na ‘yung social media. At para sa akin, wala na ‘yun, parang ganu’n talaga ang kalakaran. May mga bashers, may mga haters. But ano... the show must go on. Lahat tayo, buhay natin ay ipagpatuloy natin.”

Kilalang Marian devotee si Ai Ai at sadyang madasalin. Nagtanong ba siya sa Diyos kung bakit kailangang dumating sa kanya ang mga ganitong pagsubok sa kabila ng pagiging relihiyosa niya?

“Hindi naman. Ako, parati kong sinasabing ‘Sana, bigyan N’yo po ako ng lakas na malabanan lahat ng mga pagsubok na dumarating sa akin. Lakas lang at saka ‘yung anchor ko sa buhay, nandiyan si Gerald, nandiyan ‘yung mga anak ko. ‘Yun naman ang mahalaga sa tao, eh, ‘yung meron kang pamilyang sandigan, may mga nagmamahal sa ‘yo along the way.”

Dumating ba siya sa point ng depression kung saan naisip niyang mag-suicide sa bigat ng mga pagsubok na dinanas niya?

“Ayoko, hindi! Hindi ako ganu’n. Parang nakakahiya naman kay Lord… suicide agad? Hindi ba puwedeng nandito muna ako?” natatawa niyang sabi.

So, ano’ng ginawa niya nu’ng panahong down na down siya?

“Super pray sa lahat ng sinisimbahan ko,” sabi ni Ai Ai.

Ilang simbahan ang pinupuntahan niya para magdasal?

“Hindi naman. Parati lang akong loyal. Ayan, Baclaran, Manaoag, Apung Mamacalulu, simba every Sunday, novena kay Mama Mary. Puro ganu’n lang,” kuwento pa ni Ai Ai na ngayon ay nakabangon na mula sa tatlong taong sinubok ang kanyang tibay at katatagan.

 
 
 

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page