May pera ka man o wala… Mga puwedeng gawin para sure na happy ang pasko
- Justine Daguno
- Nov 28, 2019
- 2 min read

Marami sa atin ang excited ngayong Christmas Season at siyempre, ang expectation ng karamihan, kabi-kabila na naman ang mga reunions, umaapaw ang mga biyaya, maraming masasarap na pagkain, in short, engrande o masaya.
Pero, ‘ika nga nila, “holidays aren’t always easy for everyone”. Ang Kapaskuhan ay madalas ding malungkot na panahon para sa iba. Marahil, meron silang ‘bad experience’ noong mga nagdaang Pasko tulad ng breakups, ang pamilya o mahal sa buhay ay nasa malayong lugar at iba pa.
But hey, ayos lang ‘yan dahil narito ang ilang mga bagay na dapat mong tandaan upang magkaroon ng happier holiday:
1. MAKIPAG-BONDING SA PAMILYA O MGA KAIBIGAN. Kung bad memories dahil sa break-up ang dahilan kung bakit malungkot ang Christmas Season mo, hindi madali, pero imbes na isipin ang mga bagay na wala ka sa mga sandaling ito, mag-focus na lang sa mga bagay na meron ka tulad ng pamilya at mga kaibigan. Makipag-bonding ka sa kanila dahil for sure, wish nila ngayong Pasko para sa‘yo na maging masaya ka.
2. IWASAN ANG MGA TOXIC NA TAO. Walang ibang maidudulot ang mga toxic na tao kundi gawing miserable at malungkot ang okasyong ito para sa‘yo. Kung sa palagay mo ay hindi makabubuti o makapagpapasaya sa‘yo ang isang tao, bitiwan o layuan mo siya. Hindi mo kailangan ng ‘nega pips’ ngayong Pasko. Huwag mong i-compromise ang sarili mong kasiyahan para sa ibang tao.
3. GUMAWA NG HAPPY DIARY O JOURNAL. Isulat mo rito ang mga bagay o memories na nagpasaya sa‘yo sa buong taon — maliit man o malaki ang epekto nito sa iyong buhay tulad ng bakasyon ninyo sa probinsiya ng pamilya mo, random lakwatsa o gala ng barkada at iba pa.
4. HUWAG MAGBABAD SA SOCIAL MEDIA. Halu-halong emosyon ang puwede mong maramdaman kapag gumagamit ng social media. Puwedeng matawa sa mga memes at videos o throwback photos, pero out of nowhere, puwede ring masira ang magandang mood mo dahil sa mga nakakainis na posts. Walang masama sa paggamit ng social media, pero huwag mong hayaan na ito ang mag-dictate ng dapat mong maramdaman. Imbes na magbabad sa socmed, makipag-bonding ka na lang sa mga tao sa labas ng ‘virtual world’.
5. MAKINIG NG MASASAYANG CHRISTMAS SONGS. Dahil usung-uso ang masasayang pamaskong awitin ngayon, saan man tayo pumunta ay siguradong marami tayong maririnig na ganito. Awat muna sa mga senti at hugot songs na madalas mong pakinggan para makapag-senti, happy Christmas songs muna para hapi-hapi!
‘Yan mga ka-Bulgar, anuman ang dahilan ng hindi magandang mood ninyo ngayong Christmas Season, huwag hayaang masira nito ang isa sa mga pinakamahalaga at masayang okasyon. Be happy always! Okidoki!





Comments