top of page

Sana all may sasakyan, pero hindi, hindi, hindi! Mga hirap na pinagdaraanan ng mga nagko-commute

  • Justine Daguno
  • Nov 23, 2019
  • 2 min read

Parte na ng pang-araw-araw na buhay ng mga Pinoy ang pagko-commute. Ito man ay sa pamamagitan ng bus, train, jeepney o taxi. Para sa mga hindi pinalad na magkaroon ng sariling sasakyan, pagko-commute ang paraan para makatugon sa kani-kanyang transaksiyon. At dahil hindi madali ang sistema ng transportasyon sa bansa, instant mandirigma tayo kapag sumasabak na rito.

Anu-ano nga ba ang pagkakataon na madalas nating maranasan bilang ‘certified commuter’?

1. PAHIRAPAN SA PAGSAKAY NG BUS. Sabihin man nating may designated waiting areas para sa mga bus, dumarating pa rin sa point kung saan ang mga pasahero ay nagkakagulo sa pagsakay sa mga ito. ‘Yung tipong wala nang babae o lalaki, matanda o estudyante dahil ang hindi marunong dumiskarte o makipag-unahan ay siguradong mapaglilipasan o aabutin ng siyam-siyam.

2. WAITING GAME SA TRAIN. Karamihan sa atin, pinipiling mag-MRT o LRT dahil sa paniniwalang makaiiwas tayo sa matinding traffic sa kalsada. Pero ang siste, nakakalulang pila sa mga istasyon ang kailangan mong harapin, lalo na kapag rush hour. Madalas, isang oras o higit pa ang kailangan mong igugol sa pila bago makasakay.

3. PERSONAL SPACE NO MORE. Kapag komyuter ka, alam mo na hindi uso ang “personal space” sa mga pampublikong sasakyan. Gustuhin mo man o hindi, mapipilitan kang makipagsiksikan para lang makauwi at hindi na mahalaga kung halos magkapalitan na kayo ng mukha ng mga kasabayan mo.

4. WALANG KATAPUSANG STOPOVER. Isa ito sa mga nakakainis na pagkakataon sa pagko-commute, ‘yung maya’t mayang stopover o paghinto kung saan bawat makikitang tao ay pinasasakay ni Manong Drayber kahit ‘yung mga pasahero niya sa loob ay halos hindi na makaupo. Pero ang masaklap, ‘yung male-late ka na, magpapa-gas pa! ‘Kaloka!

5. LUMAMPAS SA BABABAAN DAHIL NAKATULOG. Dahil hindi alintana ang matinding trapik sa siyudad dahil bawat isa ay may kani-kanyang paraan para hindi mabato. Merong nanonood ng movie sa cellphone, merong tamang soundtrip at siyempre, may mga bumabawi ng tulog. ‘Yun nga lang, dahil sa kasarapan ng tulog, madalas ay lumalampas na sa bababaan.

Ang buhay ay parang biyahe, may pagkakataong smooth lang, pero madalas ay diyahe. ‘Ika nga nila, suwertehan lang ito dahil hindi natin alam kung sinu-sino ang ating makakasabay kaya kapag may chance, i-enjoy mo na lang.

Commute pa more!

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page