Palaging nananaginip ng ahas, makapagpapagaling ng may sakit
- Socrates Magnus
- Nov 23, 2019
- 2 min read
Salaminin natin ang panaginip ni Rizz ng Rizz_ Granada@facebook.com
Dear Professor, Madalas akong nananaginip ng ahas. May nakita akong ahas, tapos kinuha ko ‘yung itak ni papa para tagain at pagkataga ko, naging kalahating tao siya at babae. Sa sobrang takot ko, itinuloy ko ‘yung pagtaga sa kanya at naging ginto siya. Nanaginip din ako ng sawa at nu’ng lumaki na siya, pinakakain ko siya ng pusa at natakot ako na kainin niya ‘yung anak ko kaya itinapon ko siya sa ilog pero bumalik sa bahay namin. Tapos, napanaginipan ko rin ‘yung baby snake na itinapon ko sa labas at nagulat ako nang bumalik siya kasama ‘yung nanay niya at pumunta sa ilalim ng higaan namin. Sabi nila, kapag nanaginip daw ng ahas ay magkakaroon ng kaaway at ayaw ko namang magkaroon ng kaaway. Ano ang ibig sabihin nito? Salamat!
Naghihintay, Rizz
Sa iyo Rizz, Hindi natin masisisi ang iba na nagbigay ng kahulugan na magkakaroon ng kaaway ang nanaginip ng ahas dahil ang ahas ay simbolo ng diyablo na noon pa man ay kalaban na ng tao. Ang isa pang kaaway na maaaring maranasan ng nanaginip ng ahas ay ang lihim na kaaway dahil ang ahas kung minsan ay nangangahulugan ng traydor na kaibigan o nakakasama ng nanaginip.
Pero ibinabalita ng iyong panaginip na wala sa dalawang nabanggit ang kahulugan ng iyong mga panaginip dahil ang mga panaginip mo ay nagsasabing ikaw ay malinaw na may taglay na kakayahang mapagaling ang mga may sakit at ang nakatutuwa pa rito ay ang mga sakit na tinutukoy ay ang mga hindi kayang pagalingin ng mga tunay na manggagamot.
Siyempre, mabibigla ka na baka nga masabi mo na ayaw mo, pero maaari ring mapa-wow ka dahil ikaw pala ay kakaiba at super special na nilalang.
Sa maniwala ka o hindi, walang problema. Gayunman, darating ang araw o pagkakataon na hindi sinasadyang mapagagaling mo ang isang may sakit at masusundan pa ito ng maraming may sakit na magsisigaling dahil sa iyo.
Muli, sa ayaw o sa gusto mo, ito ang kahulugan ng iyong mga panaginip.
Hanggang sa muli, Professor Seigusmundo del Mundo




Comments