top of page

Simbang Gabi, noche buena, exchange gifts... ano'ng paborito mo? Iba’t ibang tradisyon tuwing pa

  • Twincle Esquierdo
  • Nov 20, 2019
  • 2 min read

Malamig na ang simoy ng hangin at pagdagsa ng mga tao sa mall, ilan ang mga ito sa hudyat na malapit na ang Kapaskuhan kaya karamihan sa mga millennials ay nag-aabang na ng sale sa mga malls para mamili ng mga pangregalo para sa pamilya, inaanak o sa sarili. Pero bukod sa pagsa-shopping at pagdama sa malamig na simoy ng hangin, anu-ano pa ang mga nakasanayang gawin ng mga millennials tuwing Kapaskuhan?

1. Pinakamahabang pagdiriwang ng pasko. Ang Pilipinas ay kilala bilang may pinakamahabang pagdiriwang ng Pasko. Pagpasok pa lang ng ber months, nagsisimula na ang countdown at pagde-decorate sa mga bahay, mall at kalsada, gayundin, ang paghahanda ng mga panregalo. Gayunman, natatapos ang pagdiriwang ng “Three Kings” tuwing ika-6 ng Enero ng sumunod na taon.

2. Simbang gabi. Nagsisimula ito tuwing ika-16 ng Disyembre at natatapos sa ika-24 ng buwan, gayundin, nagsisimula ang misa tuwing alas-4:00 ng madaling-araw. Ayon sa paniniwala ng nakatatanda, kailangang mabuo ang siyam na araw upang matupad ang anumang kahilingan para sa Pasko. Gayundin, pagkatapos ng misa ay madalas na dumidiretso sa bilihan ng bibingka at puto-bumbong ang mga nagsimba para bumili nito at kainin sa almusal.

3. Pagkakabit ng mga dekorasyon. Maraming millenials din ang excited sa paglalagay ng mga dekorasyon o palamuti sa kani-kanilang tahanan. Isa sa mga ginagamit na pandekorasyon ay ang parol kung saan ito ay sumisimbolo sa mga bituin na sinundan ng Tatlong Hari upang mahanap si Jesus. Hindi lang mga bagets ang excited sa pagde-decorate dahil pati ang mga nakatatanda ay ganundin dahil habang ginagawa ito, nagpa-flashback ang happy memories ng kanilang childhood.

4. Exchange gifts. Nakaugalian na natin ang pagbibigayan ng mga regalo sa okasyong ito. Ito ay dahil sa paniniwala na ang Kapaskuhan ay panahon ng pagbibigayan, gayundin, nakasanayan nating mga Pinoy na magmistulang Santa Claus na nagbibigay ng mga regalo sa mga bata. Maraming millennials ang nagsasagawa ng monito-monita tuwing Pasko dahil sino bang ayaw magbukas ng regalo sa panahong ito?

5. Karoling. Noon ay madalas na nangunguna sa pangangaroling ang mga bata, pero sa hirap ng buhay ngayon, pati ang mga nagtatrabaho, magkakaibigan o magkakapitbahay ay nangangaroling na rin. He-he-he! Tulad ng Simbang Gabi, nagsisimula ito sa ika-16 ng Disyembre hanggang sa bisperas ng Pasko. Para sa mga gipit na gipit d’yan, ready na ba ang mga kantang-pamasko n’yo? Ha-ha-ha!

6. Masarap na salu-salo. Noche Buena ang isa sa mga inaabangan tuwing sasapit ang Pasko dahil sa iba’t ibang putahe na inihahanda. Gayunman, ito rin ang pagkakataon para makasama at maka-bonding ang pamilya o mga kamag-anak na dumadalaw. Ang saya, ‘di ba? Alin sa mga ito ang paborito mo, ka-Bulgar? Karamihan sa mga ito ay sinimulan pa noong panahon ng ating mga lolo at lola kaya mabuting ipagpatuloy natin ito para mas maging masaya ang pagdiriwang natin ng Pasko. Okie?

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page